MAY dalawa akong tiyahin na hindi sinasadyang nakapagbigay sa akin ng leksiyon sa buhay na nakatanim sa aking puso hanggang ngayon.
May tiyahin akong magaling na guro sa pampublikong paaralan ng elementarya. Siya ay guro sa section one ng grade four. May pitong sections sa bawat grade pero sa section one kumukuha ng first honor at second honor, patunay na matatalino ang mga nasa section one. Noong panahong iyon, hindi requirement na mag-kinder ang isang bata. Ang kailangan lang para tanggapin sa grade one ay pitong taon na ang bata bago magpasukan. November pa ako magpipitong taon noong school year 1966-1967. Ang pasukan noon ay July, kaya dinoktor ang aking birth month. Ginawang January ang aking birth month para maging qualified sa grade one. Nagpupumilit kasi ako na pumasok sa school.
Noong ako ay papasok na sa grade one, pangarap kong maging guro ay ninang sa kasal ng aking mga magulang. Kilala niya ako at mabait siya. Pero section 5 ito sa grade one. Kapag grade one, malayang makakapili ang mga magulang kung kaninong guro ipapa-enrol ang kanilang anak. Pagsapit lang ng grade 2, saka iaaplay ang paggugrupo o pagse-section depende sa general weighted average ng estudyante. Kinausap ako nang masinsinan ng aking tiyahin. Ipinabahala sa kanya ng aking nanay ang pag-eenrol ko.
“Mas mainam na sa umpisa pa lang ng iyong pag-aaral, nasa section one ka na. Kapag nasanay kang nasa section one, lagi kang magsisikap na hindi matanggal sa section na kinasanayan mo.”
Siyempre anong laban ng anim na taong gulang na bata sa kanyang tiyahing guro. Buti na lang at masunurin ako. Naging effective ang sabi ni Tiya. Nasa section one ako mula grade 1 hanggang grade 6.
Ang isa pang leksiyon sa buhay ay natutuhan ko sa aking tiyahin na hairdresser. Pulos lalaki ang anak niya kaya ang pinagbabalingan niya ng kanyang talent ay kaming mga pamangking babae. Gusto kong magpahaba ng buhok pero gusto ni Tiya ay gupitan ako nang maikli. Wala pang shampoo sa Pilipinas noon kaya karamihan sa mga buhok noon ay buhaghag.
“Hindi magandang pahabain ang buhok mo, pangit ang texture. Para ‘yang bunot kapag pinahaba mo.”
Pero sasagutin ko ito nang paiyak. “Basta gusto ko’y mahaba. Iniiklian mo ang gupit sa aking buhok, nagmumukha tuloy akong lalaki”.
Pero sinagot ako ng aking tiya nang buong katapatan sa malumanay na boses.
“Mas bagay sa iyo ang maikling buhok. Alam mo, sa kagaya nating hindi kagandahan, dapat ay laging maganda ang gupit ng ating buhok para maging attractive sa paningin ng ibang tao.”
Tumatak iyon sa isipan ko. Isa sa pinaglalaanan ko ng budget ay ang aking buhok simula noon hanggang ngayong malapit na akong maging senior citizen.
“Better be slapped with the truth, than kissed with a lie”—Russian proverb