Si Pemberton at ang GCTA

Mainit ang mga balitaktakan ngayon tungkol sa kautusan ng Olongapo City RTC  na pagpapalaya sa convicted US Marine Lance Corporal  Joseph Scott Pemberton sa ilalim good conduct time allowance (GCTA).

Nauna nang nagpahayag ang Palasyo  na huwag muna itong palabasin at hayaan ang gobeyrno na magharap ng motion for consideration.

Umaapela rin ang pamilya ng kanyang naging biktima, ang transgender na si Jennifer Laude na nagsabing hindi ito dapat na makalaya.

Kabi-kabila ang mga batikos at pagtutol sa naging kautusan ng korte.

Pero para kay Senator Vicente Sotto III, dapat umano na ipaubaya sa korte ang pagdedesis­yon tungkol dito.

Ganito rin ang pananaw ng ilang abogado na nakausap ko.

Ayon sa kanila hindi naman magdedesisyon ang lokal na korte kung hindi niya ito pinag-aralan nang husto.

Kagaya rin ng pahayag ni Sotto, nahatulan at nakulong si Pemberton alinsunod sa ipinaiiral na batas sa Pinas at  marapat din na ang pagpapalaya rito ay ayon din sa batas.

Kung may batas sa GCTA para sa mga bilanggo, kabilang dito o aplikable rito si Pemberton.

Wala umanong kinikilingang nasyonalidad ang ipinaiiral na batas.

Taong 2015 nang mahatulan si Pemberton sa kasong pagpatay kay Laude noong 2014.

Nakapag-serve si Pemberto ng kabuuang 2,142 araw o mahigit sa limang taon at walong buwan sa kulungan, gayunman binigyang kredito siya ng korte ng good conduct time allowance na 1,548 araw o higit sa apat na taon.

Sinabi ng korte na naisilbi na ni Pemberton ang kanyang sentensya na 10-taon, isang buwan at sampung araw na pagkakakulong dahil sa  (GCTA).

Aantabay tayo  sa kasong ito at kung papaano ang magiging paliwanagan dito.

 

Show comments