Ang batang may ginintuang buhok

ANG dating simpleng hobby ni Aaron Ralston na mountain at rock climbing ay naging “addiction” na sa kanya. Lagi siyang nagsasaliksik kung anong bundok ang sunod niyang aakyatin pagkatapos ng isang matagumpay na pag-akyat sa huling bundok na pinanggalingan niya. Sa bawat pag-akyat sa bundok ay tubig, candy at ilang tools lamang ang kanyang bitbit. Hindi siya nagdadala ng cellphone.

Noong 2003 ay gumayak si Aaron para umakyat sa mabatong bundok ng Bluejohn Canyon na nasa Utah USA. Habang umaakyat si Aaron sa pagitan ng naglalakihang bato patungo sa itaas ng bundok, may 800 pounds na batong bumagsak sa kanya. Mabuti na lang at hindi sa kanyang ulo ito bumagsak kundi sa kanyang kanang kamay na nakahawak at nangungunyapit sa wall ng bundok. Naipit ang kanyang kamay kaya hindi siya makaalis sa kanyang puwesto. Noon ay winter at hindi na niya makayanan ang lamig. Sa kanyang ikaapat na araw na pagkakaipit sa bato, isang desisyon ang kanyang binuo upang siya ay makawala. Puputulin niya ang kanyang kamay na nakaipit sa napakalaking bato.

Matapos makawala sa bato ay bumaba siya sa bundok gamit ang lubid. Ang kaliwang kamay lang ang ipinanghawak niya sa lubid. Pagkababa sa bundok ay kailangan pa niyang maglakad ng malayo-layong distansiya upang makarating sa Canyonlands National Park upang doon humingi ng tulong. Hindi siya paladasal pero sa pagkakataong iyon ay humihingi siya ng tulong sa Diyos dahil imposibleng may mapadaan  tao sa lugar na iyon. Sa kasamaang palad, maikli pa lang ang distansiyang nalalakad ay natumba na siya sa sobrang panghihina ng kanyang katawan kasama pa ang nararanasan niyang panlalamig.

Mula sa nanlalabo niyang paningin ay may naaninag siyang bata na lumalapit sa kanya. Isa itong toddler, nasa tatlo o apat na taong gulang, may blond hair at nakangiti sa kanya. Noong gusto na niyang bumigay, unti-unting hinawakan ng bata ang kanyang ulo at inihilig sa munti nitong dibdib. Nakadama siya ng kaginhawahan at katahimikan ng kalooban. Sa isip niya ay anghel iyon at sinusundo na siya patungo sa kabilang buhay.

Nang magkamalay ay nasa paligid na niya ang rescue team para isugod siya sa ospital. May nakakita sa kanya na nakahandusay sa ibaba ng bundok. Maraming dugo ang nawala sa kanya kaya nanganib ang kanyang buhay. Kung hindi naagapan ay malaki ang tsansa niya mamatay dahil sa pagkaubos ng dugo at hypothermia. Lumipas ang mga taon, siya ay nag-asawa at nagkaanak ng lalaki. Noong tatlong taon gulang na ang kanyang anak, natitigan niya ito isang araw at biglang naalaala niya ang hitsura ng batang nagligtas sa kanya—kamukhang-kamukha iyon ng kanyang anak na may ginituan din buhok.

“When God adds His extra to your ordinary and His super to your natural, nothing is impossible for you”. —Joel Osteen

Show comments