Pulitiko, taong-gobyerno, naka-payroll kay Sebastian?
MAY katwiran palang maging siga si Jaybee Niño Sebastian sa National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City dahil umaabot pala sa P40 milyon kada buwan ang kanyang protection money. Sinabi ng mga kosa ko na sa bibig mismo ni Sebastian nanggaling na hindi siya kayang ipataob sa NBP, kahit sa Bldg. 14 pa sila kasama ang tinatawag na “Bilibid 19” dahil nakapatong sa kanya ang mga pulitiko at ilang opisyal ng gobyerno. Si Sebastian ay natigok matapos tamaan ng COVID-19 sa NBP noong Sabado. Ang lahat ng gamit niya ay sinunog para hindi na kumalat pa ang virus. Ang hindi pa mabatid ay kung ang iniingatan n’yang “blue book” at bankbook ay kasama sa tinupok ng apoy. Araguuyyyy! Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Ayon pa sa kosa ko, noong 2009 pa nagsimulang magkalat ng monthly payola si Sebastian habang nasa kasagsagan pa ang negosyong droga ng “Bilibid 19” kahit nakakulong pa sila mismo sa NBP. Kaya buwenas ang mga naunang na-assign sa Bureau of Corrections (BuCor) at pulitiko dahil milyones ang nakamal nilang protection money kay Sebastian at mga nakakulong na drug lords. Hak hak hak! Kung sino ang maingay na pulitiko sa pagkamatay ni Sebastian, t’yak kasama sa payroll?
Kung sabagay, naging abnormal lang ang buhay ng mga high profile inmates sa NBP matapos i-aapoint ni President Digong si BuCor chief Gen. Gerald Bantag sa puwesto. Ipinagbawal ni Bantag ang mga gadgets at inilipat ang drug lords sa Bldg. 14 para hindi na sila makapagpatuloy ng kanilang ilegal na negosyo. Subalit kahit anong higpit pa ni Bantag at nag-deploy din ng Special Action Force (SAF) doon sa loob ng NBP, aba hindi pa rin natigil sa pagnenegosyo ang drug lords. Halimbawa, sa unang sultada, nakikitawag ang mga drug lords sa celfone at ang kabayaran? Tantantarannnnn! Tumataginting na P50,000 ang bayad sa isang tawag. Noong masyadong nagkahigpitan na, ang bayad per tawag ay umabot sa P500,000. Araguuyyyy!
Kung ganyan kalaki ang bayad sa tawag sa telepono, ang ibig sabihin n’yan, milyones din ang transaction ng droga ng drug lords, di ba mga kosa? Kaya itong raket sa celfone ay nagpatotoo lang ng inilalahad ng mga nahuling drug pushers sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa na sa loob ng NBP ang source nila ng droga at itinatawag lang sa kanila. Get’s n’yo nga kosa? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Matapos mabuking ang raket na ito, lalong naghigpit si Bantag at pati ang mga SAF at BuCor employees ay pinagbawalang magdala ng celfone sa loob ng NBP. Ang SAF at BuCor employes ay kailangang mag-iwan muna ng celfone nila bago mag-duty at ibinabalik lang kapag off duty na sila. May mga insidente nga na nakalimutan ng taga-SAF na i-turnover ang celfone nila kaya ni-relieve kaagad sila ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas. May iilang drug lords na lang ang natira sa NBP at maaga pa para masabing natigil na itong pagbebenta nila ng droga sa Pinas. Hak hak hak! Dapat bantayan silang maigi ni Bantag at baka madale rin sila ng COVID. Araguuyyy! Abangan!
- Latest