Ang amo at dating alipin

NOONG Agosto 1865, sinulatan ni Colonel P.H. Anderson ng Big Spring, Tennessee, ang kanyang dating Negrong alipin na si Jourdon Anderson. Nakikiusap ang dating amo na bumalik ito at buong pamilya para maging trabahador sa bukid. Susuwelduhan na raw niya ang mga ito. Ang dating alipin ay nabiyayaan ng kalayaan alinsunod sa batas na pinairal noon tungkol sa pagpapalaya ng lahat ng alipin. Simula noon ay nanirahan na si Jourdon sa Ohio kasama ang kanyang asawang si Mandy na dati ring alipin ni Colonel Anderson. No read, no write si Jourdon kaya idinikta niya sa kakilalang marunong magsulat ang kanyang kasagutan kay Col. Anderson. Narito ang sagot ni Jourdon sa pakiusap ng dating amo na bumalik na silang mag-asawa sa kanya:

Dayton, Ohio, 

Agosto 7, 1865

Sa aking dating amo,

Colonel P.H. Anderson,

Big Spring, Tennessee

Sir: Natuwa  ako at naalaala mo pa rin ang dati mong alipin. Sa kabila ng pagtatangka mong barilin ako ng dalawang beses, nagagalak ako at buhay ka pa. Nasa isip ko noon ay gagantihan ka ng mga rebeldeng tinangka mong patayin. Siya ang rebelde na nagtago sa iyong bodega. Ako ang pinagbintangan mong nagpapasok sa kanya kaya gusto mo rin akong patayin.

Sa kasalukuyan ay may trabaho kaming mag-asawa at kumikita 25 dollars kada buwan. Sapat upang mabuhay nang may dignidad. May maayos kaming bahay. Ang dalawa kong anak na babae at isang lalaki ay pumapasok sa eskuwelahan ng mga negro. Lahat sila ay matalino, sabi ng kanilang mga guro. Minsan ay may nangantiyaw sa aking mga anak na ang mga magulang daw nila ay dating alipin sa Tennessee. Nalungkot ang mga bata. Ayoko silang lumaki na mababa ang pagtingin sa kanilang sarili. Hangga’t maaari ay inililihim namin pansamantala sa mga bata na dati kaming alipin.

Kung talagang taos sa puso ang iyong pangako na magiging mabuti ka nang amo sa amin kapag bumalik kami sa iyo, ipadala mo ang aming back wages – sa loob ng 32 taon, habang kay Mandy ay 20 taon. Huwag nang isama dito ang ipinagsilbi ng aking ama sa inyong angkan sa napakahabang panahon nang walang suweldo. Isa pang kundisyon ko ay ito: Maipapangako mo ba ang kaligtasan ng aking dalawang anak na babae laban sa kalaswaan ng mga anak mong binata? Hindi ko makakalimutan ang nangyari sa mga kasamahan kong dalagitang alipin na ginahasa ng mga anak mo.

Ang back wages ay puwedeng ipadala sa Adam’s Express. Sir, iparating mo kay George Carter ang aking pasasalamat. Siya ang umagaw ng pistol noong pinagbabaril mo ako na parang daga.

Mula sa dati mong alipin,

Jourdon Anderson

Show comments