NOON ay 7:30 ng gabi, Oktubre 22, 2014. Isang lalaking pagod na pagod mula sa trabaho ang naglalakad sa kahabaan ng Huangzhaicun Road, ng Yiwu, Zhejiang province, China. Malayo pa ang kanilang bahay ngunit sa kung anong dahilan ay nagkaroon ng matinding trapik sa kalsadang dadaanan sana ng bus na sinasakyan niya. Gusto na niyang makauwi kaya bumaba siya ng bus at naglakad na lang pauwi.
Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang dahilan ng trapik: May trak ng buhangin na aksidenteng tumagilid sa gitna ng daan. Tumapon ang gabundok na buhangin sa kalsada. Hindi na sana niya iintindihin ang aksidente dahil bukod sa napapagod na siya ay gutom na gutom pa. Kailangan na niyang makauwi. Pero narinig niya ang usap-usapan ng mga miron na nakatu-nganga sa aksidente.
May batang natabunan ng buhangin, kawawa naman…ang tagal dumating ng rescue…
Naisip ng lalaki, may batang natabunan ng buhangin ngunit wala pang tumutulong. Kawawa ang bata. Tutulong siya! Agad niyang tinakbo ang kinaroroonan ng trak na tumagilid. Narinig niya na may babaing umiiyak at sumisigaw ng: Tulong! Tanggalin ninyo ang aking anak sa ilalim ng buhangin.
Dali-dali niyang hinalukay ang buhanging tumatabon sa bata, gamit ang malalaki niyang kamay.
Sa wakas, natanggal niya ang buhangin sa ibabaw ng katawan ng batang nasa apat na taong gulang. Babae ito, dahil nakabestida. At nang pagmasdan niya ang mukha…ang bata pala ay ang pinakamamahal niyang bunso!
Saka lang niya nilingon ang babaing umiiyak at sumisigaw ng tulong… misis pala niya! Parehong nasa bata ang kanilang atensiyon, kaya hindi sila “nagkita”.
Isinugod ang bata sa ospital hanggang sa gumaling ito. Kung hinintay pa ang rescue, malamang na namatay ang bata sa ilalim ng buhangin. Mabuti na lang at likas na matulungin at maawain ang lalaki – ang ugali niya na nagligtas sa kanyang anak sa tiyak na kamatayan.