ISANG small-scale na minero sa Tanzania ang biglang naging multi-millionaire matapos niyang matagpuan ang dalawang malalaking piraso ng pambihirang bato.
Natagpuan ng 52-anyos na si Saniniu Kuryan Laizer ang dalawang piraso ng tanzanite ores na pawang may timbang na 9.25 at 5.1 kilos. Nagawang maibenta ni Laizer sa gobyerno ang mga bato sa halagang 7.7 billion Tanzanian shillings (katumbas ng humigit-kumulang P152 milyon).
Unang natagpuan sa Tanzania ang tanzanite noong 1967 at simula noon ay hinahanap-hanap na ito ng mga mag-aalahas dahil sa pambihira nitong kinang na kulay violet-blue. Tanging sa Tanzania lamang matatagpuan ang nasabing bato.
Ang dalawang piraso raw ni Laizer ang pawang pinakamalalaking tanzanite ores na natagpuan mula nang madiskubre ang bato, ayon sa minister of mining ng Tanzania na si Dotto Biteko.
Balak ni Laizer na magtayo ng mall at eskuwelahan sa kanilang lugar mula sa napagbentahan ng pambihirang bato.