MAY isang napakayamang landlord na naninirahan sa England noong 12th century. Ang misis ng landlord ay mapagkawanggawa. Malapit ang puso niya sa mahihirap. Mahina ang kalusugan ng misis kaya noong nadarama na nitong malapit na siyang mamatay ay may hiniling siya sa kanyang mister.
“Mahal nais ko sanang hilingin sa iyo na kapag namatay na ako ay magbigay ka ng ani sa mga mahihirap kahit man lang isang beses sa isang taon. Nais kong may maiwan akong magandang alaala sa ating mga kababayang nanga-ngailangan.”
Nag-isip ang landlord. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay tumututol siya sa kagustuhan ng kanyang misis. Malaking kabawasan iyon sa kanyang kikitain. Pero ayaw niyang magtampo ang asawa kaya nagbigay siya ng kondisyon na sa tingin niya ay hindi magagawa ng kanyang misis.
“Honey, hahayaan kitang maglakad sa ating hacienda. Ang ipapamigay ko sa mga tao ay ibabase ko sa lawak ng tanimang malalakaran mo. Anumang ani na makukuha ko sa nilakaran mo ang ibibigay ko nang libre sa mga tao.”
Trigo ang pangunahing tanim sa hacienda ng landlord. Nanghihina man ang katawan, pinilit ng ginang na maglakad. Umaga nang magsimula itong maglakad. Sa pagitan ng paglalakad ay puwede siyang magpahinga at kumain kada 20 minuto. Paglubog ng araw ay tinapos ng ginang ang paglalakad. Sobrang humanga ang landlord sa daterminasyon ng kanyang asawa kaya nang sumakabilang buhay ito ay tinupad niya ang pangako.
Pagkaraan ng mahigit na 900 years, tinutupad pa rin ng pamunuan ng hacienda ang kahilingan ng maawaing misis ng landlord. Hanggang ngayon ay nakakatanggap ng annual supply ng 6 pounds ng harina ang bawat adult; 3 pounds bawat bata na residente ng dalawang villages sa Hampshire county, England.
“If you knew what I know about the power of giving, you would not let a single meal pass without sharing it in some way.”?Buddha