Ibang lansangan na naman marahil ang masusumpungan sa Metro Manila simula ngayon.
Bibiyahe na rin kasi sa mga lansangan ang dagdag na mga bus at PUVs o modern jeepneys para tumugon sa panga-ngailangan ng mga commuters partikular ang nagbalik-trabaho na mga manggagawa.
Maaalis na nga bang tuluyan ang kalbaryo ng marami na-ting kababayan na talagang hirap sa pagko-commute dahil sa kakulangan ng masasakyan.
Nasa general community quarantine pa kasi ang Metro Manila, bagamat may pinapayagan nang bumiyahe, kulang na kulang ito sa rami nang nagbabalik trabahong manggagawa.
Ngayon posibleng manibago ang mga commuters lalo na sa pagpapatupad ng mga ruta, pero ang mas mahalaga dito ay madadagdagan ang kanilang masasakyan at posibleng mabawasan ang dinaranas nilang hirap sa paglalakbay.
Kung kukulangin pa rin ang pinabiyaheng sasakyan, kasalukuyan na ring pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagbabalik-pasada ng mga tradisyunal na jeepney basta’t road worthy.
Ibig lang sabihin, ang mga driver na dumadaing na dahil hindi sila nakakatrabaho eh unti-unti nang makakabalik sa hanapbuhay.
Malapit -lapit na ding payagan ang angkas sa morrorsiklo, hihintayin na lamang ang ilalabas na guidelines at ito ay makakatulong din ng malaki sa mga pagbibiyahe.
Basta laging tandaan, ‘wag na lang sumuway sa mga ipinatutupad na patakaran, para na rin sa kaligtasan ng lahat at sa tuluyang pagbabalik sa normal na kalagayan.