PALIBHASA ay mestisahin, si Natalia ang pinili ng kanyang titser na gumanap na bidang prinsesa sa grade 5 school play na Sleeping Beauty. Ang napili namang prinsipe ay si Butch. Medyo na-excite si Natalia dahil matagal na niyang crush si Butch. Magkaklase sila ni Butch since grade one. At crush niya ito simula pa lang noong grade one sila. Hindi pa niya nakikilala ang salitang crush pero crush na niya ito. Kamukha siya ni Reikko Mateo, ang gumanap na Honesto sa teleserye ng ABS-CBN.
Noong nagpapraktis pa lang sila, may bilin ang titser kay Butch doon sa parteng hahalikan niya si Natalia: Tutungo ka lang at ilalapit ang mukha sa mukha ni Natalia para ang maging dating sa manonood ay hinalikan mo ang prinsesa. Ngunit iba ang naganap sa actual play: Ang pilyong si Butch, totoong ni-lips to lips si Natalia!
Hindi na naipagpatuloy ni Butch ang pag-aaral sa school nila dahil penitisyon na silang mag-aama ng inang nurse sa USA. Lungkot na lungkot si Natalia. Ang tanging naiwan ni Butch ay ang matamis na alaala ng halik nito sa kanya. May mga sandaling hinihimas ni Natalia ang lips niya. Pumipikit siya at paulit-ulit na nire-replay sa isip ang eksenang nagdikit ang labi nila ni Butch.
University of Santo Tomas, main library, 1980. May chemistry book na kailangan si Natalia pero wala sa shelf. Iisang kopya lang iyon kaya nagtanong siya sa assistant librarian. Naka-out daw at sa araw na iyon nakatakdang isauli.
“In demand ang book na ‘yan kaya tip ko sa iyo, maghintay-hintay ka ngayong hapon. Baka isauli bago magsara ang library.”
Tumambay siya malapit sa desk ng librarian para susutsutan lang siya nito kapag dumating na ang chemistry book. Tutal tapos na ang klase niya. Nag-dilang anghel ang librarian dahil maya-maya lang ay sinenyasan siyang naroon na ang book. Lalaki ang nanghiram. Tumabi siya rito. Ngumiti ang librarian sa kanilang dalawa.
“Siya ang susunod na manghihiram ng book na isasauli mo,” tila nagpapaliwanag ang librarian sa lalaki dahil parang nakaguhit sa mukha nito ang pagtataka nang tumabi sa kanya si Natalia. Nasulyapan ni Natalia ang pangalan ng lalaki sa library card – Hector Dimaguila Jr. Tinitigan niya ang mata ng lalaki! Walang duda…ito ang magandang mata ng lalaking lumasap ng kanyang virgin lips!
“Butch?”
“Yes, you are…?”
“Natalia…remember, grade 5 school play, Sleeping Beauty. San Gabriel Central School.”
Niyakap siya ni Butch, na ginantihan din ng yakap ni Natalia. Para silang dating mag-syota na nagkahiwalay tapos nagkita muli. Nagtataka na medyo natutuwa naman ang librarian sa naging eksena ng dalawa.
Bukas, June 19, 2020, ipagdiriwang nila ang 33rd wedding anniversary.