ITINIGIL ang ‘‘Balik Probinsiya, Balik Pag-asa Program’’ noong nakaraang linggo. Ayon sa report, ipaprayoridad muna ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga stranded sa Metro Manila. Kapag napauwi na lahat, saka ipagpapatuloy ang ‘‘Balik Probinsiya’’. Sa kasalukuyan, may 200 pang stranded at kasalukuyang nasa Villamor Elemenatary School sa Pasay City. Ang mga stranded ay unang nagtipon sa ilalim ng flyover sa tapat ng NAIA Terminal 3. Napauwi na ang may 300 stranded noong Linggo na kinabibilangan ng OFWs at mga nag-aaplay pa-abroad.
Ituloy ang ‘‘Balik Probinsiya’’ para makahinga sa dami ng tao ang Metro Manila. Halos lahat nang espasyo ay inokupa na. Pati sa mga sementeryo ay may nakatira. Pati sa mga ilalim ng tulay at pampang ng estero at ilog ay tinayuan ng barung-barong.
Walang tigil ang paghugos ng mga tao sa lungsod at iniiwan ang lalawigan kung saan ay mas mayroon silang kinabukasan at maliit ang tsansang magutom. Pero dahil masaya sa Metro Manila, dito nila gustong manirahan, iyon ay sa kabila na wala naman silang matitirahan at walang makukuhang tiyak na trabaho.
Ang makapal na populasyon sa Metro Manila ay napatunayan sa pamamahagi ng relief goods mula nang manalasa ang COVID-19. Naging sentro nang nakamamatay na virus ang Metro. Sa kasalukuyan, mahigit 26,000 na ang infected ng virus sa bansa.
Ang sobrang dami ng tao sa Metro Manila ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya nilagdaan ni President Duterte ang Executive Order No. 114 na nagtatatag sa “Balik Probinsiya Program”. Sa pamamagitan ng programa, hinihikayat ang mga nasa Metro Manila na magbalik probinsiya sapagkat doon maraming oportunidad. Mas malaki ang pagkaka-taon na mapaunlad ang sarili at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng “Balik Probinsiya”, tutulungan ang mga tao na magkaroon ng sariling bahay at lupa na pagtataniman. Pagkakalooban din sila ng tulong pinansiyal. Sinabi ni Balik Probinsiya Executive Director Jun Escalada, puwedeng mag-enroll sa website balikprobinsiya.ph.
Ituloy ang programang ito. Hindi sana ito maging katulad ng ibang programa na inire-relocate lang ang mga tao sa probinsiya at pagkatapos ay iiwanan nang nakanganga at walang ayuda. Isulong ito para mapaluwag ang Metro Manila at magkaroon din naman ng magandang buhay ang bawat isa sa probinsiya.