EDITORYAL - Bangis ni ‘Ambo’

HABANG nananalasa ang COVID-19 sa bansa, bigla ring nanalasa ang Bagyong Ambo at maraming ari-arian at pananim ang nawasak. Isa ang namatay sa Samar sa kasagsagan ng bagyo kahapon. Tumawid si Ambo sa Bicol Region at hinagupit ang mga probinsiya ng Albay, Camarines Norte at pati ang probinsiya ng Masbate ay hindi pinatawad. Maraming pananim ang nasira. May mga palay na aanihin na pero inabutan nang malakas na hangin at ulan. Nalubog ang maraming lugar at nawalan ng kuryente.

Pero kung matindi ang hagupit sa Bicol Region, mas naging mapaminsala si Ambo nang tumawid sa Quezon Province. Mas malakas na hangin at ulan ang naranasan sa Gumaca, Catanauan, at iba pang lugar sa Bondoc Peninsula. Maraming bahay ang nawasak at nagtumbahan ang mga puno ng saging at niyog. Pati mga poste ng kuryente ay bumagsak.

Umabot sa 140,000 katao ang inilikas at pan­samantalang nasa mga evacuation centers. Sa isang evacuation centers sa Gumaca, hindi na na­ipatupad ang social distancing at marami na rin ang walang face mask. Hindi na naipasunod dahil na rin sa dagsa ng mga lumilikas sa center. Karamihan sa mga lumikas ay mga bata at mga matatanda. Karamihan ay galing sa mga lugar na gumuguho ang lupa.

Kailangang kumilos ang local government units (LGUs) para maipatupad ang social distancing sa evacuation centers. Ngayong patuloy pa sa pag­dami ang mga kaso ng COVID-19, maaaring dumami pa ito lalo nga’t dikit-dikit na ang mga tao sa evacuation centers. Sikaping maglayu-layo para maiwasang magkahawahan at nang hindi lumala ang problema.

 

Show comments