(Base ito sa kuwento ng isang kaibigan.)
MULA nang magretiro si Tatay sa pagtatrabaho sa Saudi, parang nanghina na ang kanyang katawan. Mga 80 years old na siya noon.
Minsan, napapansin kong nakatulala siya. Hanggang unti-unting humina ang kanyang motor skills at memorya.
Lagi siyang nagkukuwento na may babae siyang nakilala na may magandang legs at namumulang lips.
“Gusto ko siyang pakasalan” minsang ipinagtapat niya sa akin.
“Saan mo siya nakilala?”
Mapapatigil siya. Mapapakunot ang noo. Halatang inaalala kung saan. Tapos ay iiling at buong panghihinayang na sasabihing: “Hindi ko na maalaala.”
Ako naman ang matutulala. Maiintriga ako.
Hinala ko ay nagkaroon si Tatay ng babae sa Saudi at iyon ang sinasabi niyang pakakasalan.
Buti na lang, tuwing magkukuwento siya ay ako ang kaharap niya at hindi ang aking ina. Laging nasa tindahan sa palengke si Nanay. May malaki kaming grocery at siya ang namamahala.
Mas bata si Nanay, 58 years old pa lamang ito at masigla ang katawan kaysa aking ama. Tiyak na masasaktan iyon kapag nalaman niyang may iniilusyon si Tatay na babaing pakakasalan tuwing sinusumpong ng Alzheimer’s disease.
Sa tantiya ko, minahal niya ang babaing ito higit sa aking ina dahil sa kabila ng pagiging ulyanin ay nakapreserba sa kanyang alaala ang babaing may magagandang legs at namumulang lips.
Kawawa naman ang nanay ko. Saan kaya siya nakapuwesto sa puso ng aking ama?
(Itutuloy)