SA kabila na may batas na bawal tanggihan at hingian ng downpayment ang pasyente, marami pa ring ospital ang hindi sumusunod dito. Sa kabila na nanganganib na ang buhay ng pasyente, hindi pa rin nila tinatanggap at ang masaklap, may mga ospital pa na kailangang magbigay ng paunang bayad. Hindi nila ina-admit ang pasyente kapag walang downpayment.
Ang ilan, kailangan munang magbigay ng downpayment bago i-admit ang pasyente. At dahil tinanggihan, humahanap ng ibang ospital ang pasyente na naging dahilan para manganib ang buhay at dead on arrival.
Noong nakaraang linggo, nagbabala si President Duterte sa mga ospital na huwag tatanggihan ang pasyente lalo pa nga ngayon na maraming infected ng coronavirus. Nagbabala ang Presidente sa mga ospital na tatanggi na kakasuhan ang mga ito. Subali’t hindi kinatakutan ang babala ng Presidente sapagkat marami pa ring ospital ang gumagawa nito.
Ganyan ang nangyari sa isang bagong panganak na babae na tinanggihan ng anim na ospital at ikinamatay nito. Ang babae ay nakilalang si Catherine Bulatao ng Caloocan City. Nanganak siya sa bahay sa tulong ng komadrona subalit nanganib ang buhay kaya isinugod sa ospital.
Sa unang ospital, tinanggihan si Catherine sapagkat marami na raw pasyenteng may COVID doon. Sa pangalawang ospital, hinihingan ito ng P30,000 downpayment. Nakiusap ang mister ni Catherine na gamutin muna ang asawa dahil delikado ang lagay pero kailangan daw muna ang downpayment. Sa ikatlo, ikaapat, ikalima at ikaanim na ospital na pinagdalhan, hindi rin ito tinanggap sapagkat wala raw mga gamit. Nang dalhin sa San Jose del Monte General Hospital sa Bulacan, tinanggap si Catherine pero dead on arrival na ang kawawang ginang.
Kumikilos na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso. Wala namang balita kung kumikilos na ang Department of Health (DOH) ukol sa mga ospital na tumatanggi sa pasyente. Sana, maimbestigahan ang mga ito sa lalong madaling panahon.