SI Justus Uwayesu ay siyam na taong gulang nang maulila dulot ng Rwandan genocide. Ang Tagalog sa genocide ay maramihang pagpatay sa iisang lahi. May tatlong tribu sa Rwanda na naglalaban kung sino dapat ang mamuno ng bansa. May tatlong tribu na nagpapagalingan: Hutu, Tutsi at Twa. Noong una ay mga Tutsi ang naghahari sa bansa. Mga utusan lang nila ang Hutu at Twa. Ngunit napuno na ang Hutu kaya nagplano sila ng genocide – patayin ang lahat ng Tutsi para Hutu ang maghari. Wala silang problema sa mga Twa dahil one percent lang ang populasyon nila.
At ganoon ang nangyari. Tumagal nang 100 araw ang walang awang pagpatay sa mga Tutsi. Ang Tutsi ay parang mga daga na sinusundan ng Hutu military at pinagbababaril. Gumaganti rin ang mga Tutsi kaya marami rin ang namatay sa mga Hutu. Nagsimula ang genocide noong April 7, 1994 at nagtapos noong kalagitnaan ng July ng nabanggit ding taon.
Maraming bata ang naulila pagkatapos ng kaguluhan. Isa si Uwayesu sa mga batang pakalat-kalat sa kalye. Sa umaga ay namamalimos. Ang nagsisilbi niyang bahay pagsapit ng gabi ay ang nasunog na kotse. Isang araw ay nagdatingan ang mga charity workers mula sa US. Isa roon ay si Clare Effong, isang African-American social worker. Pinagbibigyan ng pagkain ang mga bata na nalaman nilang isang taon nang hindi naliligo. Pagkatapos tanggapin ang pagkain ay muling nagtakbuhan sa kalye ang mga bata upang ipagpatuloy ang naantalang pamamalimos. Isang bata lang ang nagpaiwan. Nakatingin lang ito sa mga charity workers. Hindi nakatiis si Miss Clare Effong at tinanong niya ang bata.
“Anong pangalan mo?”
“Justus Uwayesu.”
“May gusto kang sabihin sa amin?”
“Gusto ko pong mag-aral. Ipapakiusap ko sa inyo na pag-aralin ninyo ako.”
May kaibigan si Effong sa Rwanda. Dito niya ipinagkatiwala si Justus at mga kapatid nito. Regular siyang nagpapadala ng pera para gastusin sa pagpapaaral sa magkakapatid. Nakatapos ng high school si Justus ng may pinakamataas na karangalan. Dagdag pa rito, nakamit niya ang full scholarship sa Harvard University. Noong 2018 ay natapos niya ang Bachelor’s degree in Economics and French. Bumalik siya sa Rwanda upang tulungan ang non-profit organization na nagpapaaral sa mga batang lansangan. Nais niyang maranasan ng mga batang ito na baguhin ang kanilang buhay kagaya ng nangyari sa kanya.