“MABUTI pa kaya e sa’yo na itong cell phone ko, Ziarah,” sabi ni Jonas nang aalis na para makipagkita sa siyotang si Kat.
“Bakit Kuya?’’
“Para naititimbre ko sa’yo kapag parating na kami. Iti-text ko sa’yo kapag malapit na kami at nakakapaghanda ka para magtago.’’
“E ‘di wala kang gagamiting cell phone Kuya.’’
“Marami akong cell phone. Nireregalo lang ng mga kliyente namin yan.’’
‘‘Ano ba ang trabaho mo Kuya, nalimutan ko na ang sinabi mo.’’
“Engineer ako – structural engineer.’’
“Ah.’’
“Sa iyo na ang CP na yan. Bago pa ‘yan. Pero huwag mo akong iti-text o tatawagan. Basta ako lang ang magti-text sa iyo o tatawag.’’
“Opo Kuya.’’
“Sige ikaw na ang bahala rito. Ikaw na ang bumili ng pagkain mo at lagi mong isara ang pinto at ang gate.’’
“Opo, Kuya. Siyanga pala, Kuya, nasaan ang marurumi mong damit at lalabhan ko.’’
“Nasa kuwarto ko. Kunin mo na lang dun. Bahala ka na at nakakalat ang mga damit ko.’’
“Opo Kuya.’’
Umalis na si Jonas.
Natrapik siya sa may Guadalupe. Usad-pagong ang mga sasakyan sa paakyat patungong EDSA. Alas otso ang usapan nila ni Kat na magkikita at ngayon ay 8:30 na.
Bago siya nakasampa ng EDSA ay mahigit 30 minutes.
Tiyak na nakaismid na naman si Kat pagdating niya.
Pagdating nga niya sa mall na kanilang meeting place, nakaismid si Kat.
“Kanina pa ako rito! Akala ko hindi ka na darating.’’
“Natrapik ako sa Guadalupe.’’
Napahingasing si Kat.
“O huwag ka nang mainis at nawawala ang kagandahan at kaseksihan mo.’’
“Hmp!’’
“Mamaya aalisin ko ‘yang galit mo yan.’’
“Kakainis ka kasi.’’
“Halika na, kumain muna tayo at pagkatapos, diretso na tayo sa Baguio.’’
“Hmp! Parang ayaw ko na sa Baguio!’’
‘‘E saan ang gusto mo?’’
“Sa bahay mo na lang tayo.’’
Gustong mahirinan ni Jonas sa sinabi ni Kat. (Itutuloy)