NAGPALIWANAG si Jonas kay Ziarah kung bakit may problema kapag tinanggap niya itong kasambahay.
‘‘’Yung kausap ko kanina, siyota ko ‘yun, Katrina ang pangalan. Selosa yun at masyadong advance kung mag-isip. Kanina nga nagsuspetsa agad na may kasama ako rito. Siguro naman narinig mo ang usapan namin kanina na tinanggi kong may kasama ako.’’
“Narinig ko nga po. Sorry Kuya kung natabig ko yang nakapatong sa center table, kinakabahan kasi ako sa magiging pasya mo kung tatanggapin mo ako rito.’’
“Ah wala ‘yun. Ang iniisip kong problema ngayon ay paano kapag nalaman ni Kat na may kasama nga ako rito sa bahay at babae pa. Tiyak na malaking gulo.’’
“Pumupunta po ba siya rito Kuya?’’
“Oo. Madalas. Kabisado na nga niya ang bahay na ito.’’
Napatangu-tango si Ziarah. Naisip niya na karaniwan na lamang ngayon na siyota pa lamang ang babae ay nagtutungo na sa bahay ng lalaki.
‘‘Tiyak na sasama uli siya sa akin dito. Natigil nga lang ang pagkikita namin dahil umuwi ako sa probinsiya nang mamatay si Tiya Aurora.’’
Napatangu-tango uli si Ziarah. Naisip niya na may problema pa pala. Akala niya ay okey na ang lahat at magiging maayos na ang pagpasok niya bilang katulong o kasambahay.
“’Yan ang problema ko, Ziarah. Kapag nakita ka niya rito, tiyak na magkakagulo.’’
“Malaking problema nga po ano Kuya.’’
“Ubod ng selosa si Kat. At madalas ay wala na sa lugar ang pagseselos. Napapansin ko rin na makasarili. Ewan ko ba sa babaing ‘yun.’’
Napahinga nang malalim si Jonas.
Nag-isip naman si Ziarah. Muli ay nakadama siya ng pangamba.
“Baka may maisip kang paraan, Ziarah. Bakasakaling magawa natin…’’
Saka may biglang pumasok sa isipan ni Ziarah.
“E kung magtago na lang po ako kapag pupunta rito ang siyota mo.’’
(Itutuloy)