Walang puwang ang mga pasaway!

Mas lalo nang hinigpitan ang ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon, partikular sa Metro Manila.

Marami na ring mga LGUs ang nagpapatupad na ng barangay quarantine.

Matindi ang kautusan sa house quarantine kaya nga marami na rin ang nag-iisyu ng quarantine pass o ID.

Isa lamang sa isang sambahayan ang iisyuhan nito na tanging papayagang makalabas ng bahay para bumili ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan.

May babala  ang DILG sa pamamagitan ni Usec. Martin Dino sa mga opisyal sa barangay na agad na mag-isyu ng ID at huwag nang magpatumpik-tumpik pa.

Niliwanag din nito na walang dapat bayaran sa iisyung home quarantine pass, libre ito at hindi na umano kailangan pang hanapan ng ID ang kukuha nito.

Dapat ding masaway ang mga matitigas na ulo na tumatambay pa sa labas ng kanilang bahay at ang nasa barangay ang may pananagutan dito.

‘Wag na sanang maging pasaway lalo na nga’t nasa ilalim tayo ng health emergency, kung gusto natin na matapos ang krisis dapat eh may pananagutan ang bawat isa para hindi na ito kumalat at lumala pa ang sitwasyon.

Kung baga sa ngayon tiis-tiis muna, pasasaan ba’t babalik din sa normal ang lahat, ‘wag na lang maging pasaway.

Tumulong sa paglutas ng problema at huwag makadagdag pa.

Show comments