Magkano ba ang kailangang sustento sa mga anak?
Dear Attorney,
Hiwalay na po ako sa aking asawa ng pitong taon. Sinusustentuhan ko naman po ng P20,000 buwan-buwan ang aming dalawang anak ngunit kamakailan po ay sinabihan ako ng asawa ko na doblehin ang ibinibigay ko dahil lumalaki na raw ang gastos sa mga bata. Kung hindi ko raw maibibigay ang hinihingi niya ay mapipilitan siyang magsampa ng kaso. Hindi naman ako pumayag dahil hindi naman ganoon kalaki ang kinikita ko. May sinasabi po ba ang batas ukol sa halaga ng sustento na kailangang ibigay sa mga anak?-- Al
Dear Al,
Nakasaad sa Article 201 ng Family Code na ang suporta o sustento ng isang magulang sa kanyang anak ay ibabatay sa kanyang kakayahang magbigay at sa mga pangangailangan ng kanyang anak. Nakalagay naman sa kasunod na probisyon na Article 202 na maari rin magbago ito base sa pagbabago ng kakayahan ng magulang at sa pagbabago rin ng mga pangangailangan ng kailangang suportahan.
Kung itutuloy ng asawa mo ang pagsasampa ng kaso laban sa iyo ay mabibigyan ka ng pagkakataon sa korte na patunayang hindi karapat-dapat ang hinihinging sustento ng iyong asawa dahil higit ito sa kaya mong ibigay o sa pangangailangan ng iyong mga anak. Kung sakaling matuloy nga kayo sa demandahan ay ang korte na ang bahalang magtakda ng halaga ng iyong sustento.
- Latest