NAKA-HIGH ALERT ang mga mamamayan ng Molina de Segura, Spain, matapos makita roon ang isang kakaibang hayop na naggagala sa bakuran ng mga bahay roon.
Nakatanggap tuloy ang police department ng lugar ng ilang tawag ukol sa sinasabing leon na naglalakad-lakad sa lugar.
Nang rumesponde ang mga pulis ay agad naman nilang nahuli ang sinasabing leon, na agad isinailalim sa scanner upang malaman kung may microchip ito sa katawan na maaring magturo sa nagmamay-ari at pinanggalingan nito.
Noon na napag-alaman na ang “leon” na kanilang nahuli ay isa lang palang malaking aso na inayusan upang magmukhang leon. Ginupit ang balahibo ng aso upang magmukha itong may makapal na balahibo sa paligid ng ulo nito na parang leon.
Kahit ang dulo ng buntot at inayusan din upang maging kamukha nito ang buntot ng isang leon.
Nakita rin sa microchip na residente lang pala ng lugar ang nagmamay-ari sa aso kaya agad na naibalik ang “leon” sa amo nito.