Ang segurista
SA isang napakalayong lupain, ang hari ay pinapalitan taun-taon. Ang haring mapipili ay kailangang pumirma sa kontrata na nagsasaad na pumapayag siyang tumirang mag-isa sa isang isla pagkaraan ng kanyang termino.
Kapag last day na ng isang hari, nagbibihis siya nang maganda at saka sasakay sa elepante patungo sa islang titirahan niya. Pagkatapos siyang ihatid ng mga sundalo ay iiwan siyang mag-isa sa isla at bahala na siya sa buhay niya.
Bata pa at matalino ang napiling bagong hari. Nang ikatlong araw niya sa tungkulin, pinakiusapan niya ang kanyang personal bodyguard na samahan siya sa islang pinagdadalhan sa mga haring nagretiro na.
Magubat at maraming mababagsik na hayop sa isla. Nagtaka siya, bakit nawala ang mga haring dinala doon? Sa paglalakad ng hari, natuklasan niya ang katotohanan: Ang mga ha-ring dinadala doon ay walang kalaban-labang napatay ng mga mababagsik na hayop. Ang nagkalat na kalansay sa paligid ang naging ebidensiya.
Kinabukasan ay nagpadala ang hari ng mahuhusay na hunters para hulihin nang buhay ang mababagsik na hayop at pagkatapos ay ilipat sa malayong isla. Nang maubos ang hayop ay kumuha ang hari ng mga mahusay na karpintero. Nagpagawa siya ng simple ngunit matibay na bahay. Inutusan niya ang magagaling na hardinero na magtanim ng iba’t ibang klaseng punungkahoy at mga gulay. Habang siya ang hari ay kumuha siya ng caretakers para mangalaga ng buong isla.
Marami ang nagtaka ng huling araw na ng hari, ito’y masayang-masaya na nagpaalam sa kanyang nasasakupan samantalang ang mga nakaraang hari ay nag-iiyak sa huling araw ng kanilang panunungkulan. Palibhasa’y pinaghandaan ng hari ang kanyang pagreretiro, masaya siyang maninirahan sa isla. Ang moral lesson: Maging segurista. Paghandaan lagi ang kinabukasan dahil hindi mo alam kung hanggang kailan ang iyong suwerte.
- Latest