Nasa 12,000 pasaway na driver sa mga pampublikong sasakyan na may multiple violation ang target ngayon ng MMDA na mawalis sa lansangan.
Tignan ninyo ha, ganito karami ang bilang ng mga pasaway na masasabing hindi naman nasasaway dahil patuloy na nakakapagmaneho kung saan nalalagay pa nito sa panganib ang buhay ng kanyang mga pasahero.
At sa kanilang patuloy na pagpasada, patuloy pa ring nadaragdagan ang mga paglabag.
Dahil nga rito, kumilos na ang MMDA kung saan isinumite na nila sa Land Transportation Office (LTO) ang pangalan ng mga driver na may sangkaterba nang traffic violations.
Ang LTO na ang siyang kikilos ay magpapataw ng mga kaparusahan sa mga ito.
Dapat nga rito, ‘wag nang isyuhan pa ng lisensiya dahil wala silang karapatan sa kalsada at maaaring pagmulan pa ng malalagim na trahedya.
Dapat siguro na ma-modernize na rin ang ganitong mga pamamaraan ng magkakaugnay na ahensya.
Kung centralized ang mga data, tulad ng mga nahuhuling pasaway na drivers sa iba’t ibang paglabag, kita na agad dapat ito ng LTO o iba pang ahensya para ma-blacklist na at hindi ma-isyuhan pa ng lisensya.
Kapag ganito mabilis ang palitan ng impormasyon o data.
Nakakalungkot na isipin na ilang pasaway na driver ang may daan-daan nang paglabag pero patuloy pa rin na masusumpungan sa lansangan na parang wala lang.
Meron pa ngang walang lisensya nakakapagmanahe at nakakadisgrasya pa.
Meron din na mismong mga operators ay pinapayagan ang kanilang mga driver kahit sangkaterba na ang paglabag o kaya naman eh walang lisensya, sige lang basta may kita.
Dapat na nga itong matutukan at matuldukan baka makatulomng pa nga sa pagluwag ng lansangan.