NAGBIGAY ng instruction ang titser sa grade one art class na idrowing ang bagay na ipinagpapasalamat nila. Nagbigay ng halimbawa ang titser upang maging malinaw sa mga bata. Nagdrowing ito ng isang lalaking may hawak na walis.
“Siya ang ating janitor na dahilan kaya pumapasok tayong malinis na at maayos ang ating paaralan.”
Natapos ang klase. Ipinasa ng mga bata ang kanilang drowing. Natawa ang titser sa mga drowing: May nagdrowing ng tindero ng ice cream. May nagdrowing ng kaklase nila na nilagyan pa ng pangalan, dahil ito raw ang nagpapahiram sa kanya ng lapis tuwing nakakalimutan niya ang sariling lapis sa bahay. Marami pang drowing na sa kabila ng kababawan ay nagpapatunay na kahit sa murang gulang ng mga ito ay alam na nila ang konsepto ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob.
Isang drowing ang nakatawag sa titser ng pansin. Gawa iyon ni Elias. Isang pares ng kamay ang kanyang iginuhit. Ganoon lang kasimple. Walang explanation. Bago ito umuwi ay tinawag ng titser si Elias.
Nakangiting ipinahayag ng titser na maganda ang drowing nito. “Kaninong kamay ito na pinagpapasalamatan mo?”
“Sa iyo po Mam.”
Ulilang lubos si Elias. Nakikitira lang sa kamag-anak na sa kabila ng murang edad ay pinagtatrabaho sa babuyan. Wala itong oras para mag-review ng lesson sa bahay dahil pagkarating mula sa school ay nagsisimula na itong magkolekta ng kaning baboy sa mga kapitbahay. Pagkatapos noon ay magsisimula na itong maglinis ng banlat.
Pagdating sa school tuwing umaga, papasok ito na walang kaalam-alam. Batid ng titser ang nakakaawang sitwasyon ng bata kaya pinagtiyagaan nitong turuan si Elias. Una, kung paano humawak ng lapis. Hinahawakan ng titser ang kamay ni Elias upang malaman nito ang tamang galaw ng kamay kapag isinusulat ang pangalan nito. Mabilis namang matuto ang bata. May itinatagong galing. Kaya bago umuwi ng bahay, pinatitigil niya muna ito ng 30 minuto sa classroom para doon na sa school gawin ang homework. Batid ng titser na wala na itong oras para gawin iyon. Pagtatrabaho sa babuyan ang kaagad nitong haharapin pagdating ng bahay.
Ang mga kabutihang iyon ang tumanim sa isip ni Elias. Kaya para sa kanya, ang kamay ng mabait na titser ang labis niyang pinasasalamatan. Naluha si Titser sa sobrang galak.