SA Chelyabinsk, Russia matatagpuan ang isang katangi-tanging bahay na gawa sa 12,000 bote ng champagne. Ang kakaibang istraktura na ito, na binansagang ‘‘Palace Oz’’ ng mga taga-roon ay gawa ng 52-anyos na si Hamidullah Ilchibaev at isa na sa mga pangunahing tourist attraction sa kanilang lugar.
Naisip ni Hamidullah na gawin ang bahay gamit ang mga bote ng champagne dahil mahilig siyang bumuo ng mga bagay mula sa mga hindi na ginagamit na mga bote. Matagal na niyang pinagpaplanuhan ang paggawa ng bahay mula sa mga bote ngunit sinimulan niya lamang ito nang mamatay ang isa sa kanyang mga anak.
Matagal na siyang kinukumbinsi ng kanyang mga anak na ituloy ang kanyang planong paggawa ng isang bahay mula sa mga bote kaya bilang pag-aalala sa kanyang namayapang anak, gumawa siya ng isang bahay mula sa mga bote ng champagne.
Nakaipon siya ng 12,000 champagne bottles sa pamamagitan ng pagbili ng mga ito. Ang iba naman ay ibinigay sa kanya ng mga taong gustong makatulong sa kanyang proyekto.
Iba-iba ang hugis at laki ng mga bote na kanyang naipon kaya kinailangan pa niyang gumamit ng isang pamputol ng salamin. Pinagdikit-dikit niya ang mga bote sa pamamagitan ng isang espesyal na solution. Sa labas ay pawang mga bote ang makikita sa paligid ng bahay ngunit sa loob ay walang pinagkaiba ang itsura nito sa isang pangkaraniwang tahanan.
Mura ang nagastos ni Hamidullah sa bahay kung ikukumpara sa magagastos niya gamit ang mga pangkaraniwang materyales. Ayon pa sa kanya, madaling palitan ang mga bote sakaling masira ang ilan sa mga ito kaya may kumpiyansa siyang matibay ang bahay na kanyang itinayo.