ANG dolyar ng United States ang perang nangingibabaw sa buong mundo. Pangunahin itong ginagamit sa mga pandaigdigang transaksyon sa pananalapi, negosyo, kalakalan, at iba pa. Pero hindi nagsimula sa Amerika ang dolyar. Ipinanganak ang perang ito sa Royal Mint House ng Jachymov, isang mining town sa bansang Czech sa Central Europe. Dito unang ginawa ang unang dolyar may 500 taon na ang nakakaraan o noong Enero 9, 1520. Pero nasa anyo pa ito ng silver coin noon. Ang kakatwa, sa kasalukuyan, hindi tinatanggap sa bayang ito ang U.S. dollar. Tinatanggap lang nito ang mga perang Koruna, euros o kung minsan ay Russian rubles.
Sinasabi sa isang ulat sa BBC na isang enterprising local nobleman na si Count Hieronymus Schlick ang lumikha ng mga silver coin noong Enero 1520 at pinangalanan niya itong “Joa-chimsthalers” na kinalaunan ay pinaikli sa tawag na “thalers”.
Nang maging popular ang thaler sa buong Europa pagdating ng taong 1566. Sa paghahanap ng standard size at silver content para sa maraming lokal na pera sa kaharian, pinili ng Holy Roman Empire ang thaler at tinawag nang “Reichsthalers” (“thalers of the empire”) ang silver coin na ito.
Sa sumunod na 300 taon, iwinangis ng maraming bansa sa thaler ang kani-kanilang pera at binigyan ito ng lokal na pangalan. Sa Denmark, Norway at Sweden, naging ‘daler’ ang thaler; Sa Iceland, ‘dalur’; Italy, “tallero”; Poland, “talar”; Greece, “tàliro” at Hungary, “tallér”. Sa France, tinawag itong “jocandale.” Nagkaroon ito ng 1,500 imitasyon sa mga nasasakupan ng Holy Roman Empire. Kumalat kinalaunan ang thaler sa Africa noong 1940s at sa Arab Peninsula at India. Ang official currency ng Slovenia ay “tolar” hanggang noong 2007. Hango din sa thaler ang pera ng Samoa, Romania, Bulgaria at Moldovia.
Pero ang leeuwendaler (“lion dollar” o “daler” na binibigkas halos tulad sa English na dollar) ng The Netherlands ang nagbigay ng pangalan sa pera ng U.S.. Pagkaraang dumating sa New Amsterdam noong 17th century ang mga Dutch colonists, mabilis na kumalat ang daler sa Thirteen Colonists at sinimulan ng mga English-speaking settler na tawaging dollar ang mga silver coin. Naging official currency ng U.S. ang dollar noong 1792 at, mula noon, kumalat ang thaler-inspired na dollar sa buong mundo.
Sa kasalukuyan, 31 bansa ang gumamit sa dollar bilang kanilang official currency o dito hinango ang pangalan ng kanilang pera. Mahigit 66 bansa ang itinali ang kanilang pera sa dolyar. Tinatanggap ito sa maraming lugar tulad sa Australia, Namibia, Singapore, Fiji hanggang North Korea, Siberia at North Pole.
Email: rbernardo2001@hotmail.com