TULAD ng ipinangako ko sa mga tagasunod at tagasuporta ng BITAG, muli naming ibabalik ang classic BITAG style. Kaya nitong Miyerkules, nagsampol na kami.
Isang local recruitment agency (LRA) sa Maynila ang personal kong binisita. May katagalan na kasing nagpapasaklolo ang isang Pinay household worker sa Jeddah pero bagong taon na, patay-malisya pa rin ang agency.
Kamanyakan ng kanyang 70-years old na Arabong among lalaki ang dahilan kung bakit nagpapasaklolo ang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah.
Mantakin mong hubo’t hubad ang kanyang kolokoy na amo habang nagpapamasahe. At ang masahol, kinakaplog at nilalamas ang dibdib ng pobreng OFW tuwing mamasahiin niya ang kumag.
Lumapit ang mga kamag-anak ng OFW sa ahensiya at tumugon na puwede namang pauwiin ito. Subalit may kondisyon, kailangang magbayad ng halagang P200,000 para sa kanyang ticket at iba pang gastusin.
Pamantayan ng BITAG na kumpirmahin muna ang bawat sumbong bago kami umaksiyon. Isang undercover ang aking ipinadala para samahan ang mga kamag-anak ng OFW patungong ahensiya.
Humarap ang mismong operations manager ng recruitment agency. Dokumentado ng BITAG concealed camera kung paano nito kinuwenta ang mga dapat bayaran ng OFW para makauwi.
Napailing ako habang pinapanood ang undercover video ng aking mga investigators. Ang sabi ni kolokay, kung tutuusin daw ay 70 years old na ang Arabong amo at wala nang kayang gawin ang matanda sa Pinay na nagpapasaklolo.
Etong mga asal ng mga LRA ang nagiging dahilan ng kapahamakan ng mga OFW lalo sa Middle East. Ang pagwawalambahala, pagtetengang kawali’t kawalan ng pakialam sa mga kababayan nating sila mismo ang nagpaalis para mangamuhan sa ibang bansa.
Dumadagdag sa lakas ng loob ng mga recruitment agencies na tulad nito ay ang sistema sa loob ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Hindi sila agarang kokondenahin dahil sa sistemang “due process.”
Bago pa mauwi sa kapahamakan ang sitwasyon ng Pinay, nanghimasok na kami. Pangako ng agency, sa katapusan makakauwi ang OFW subalit hindi ako pumayag.
Ang resulta ng kumprontasyon, abangan sa BITAG OFFICIAL YouTube TV Channel.