ANG lalaki ay nag-iisip kung bakit ang lahat ng pinasok niyang negosyo ay hindi nagtatagumpay. Nagtayo ng food cart sa tabi ng unibersidad, lugi. Nagtayo ng inuman sa kanto with matching barbekyuhan, palpak. Nagtayo ng gym sa loob ng subdivision, failed. Nag-online bakeshop, bagsak. Malas ba siya?
Nakaupo siya sa kanilang veranda kaya kitang-kita niya ang isang aso na tumatakbo kasabay ng isang kotse. Kinabukasan, nakita niya ulit ang asong iyon na tumatakbo kasabay ng mga nagdadaang kotse. Maya-maya ay napansin niyang hinabol ng may-ari ang aso at tinalian. Kakilala niya ang may-ari ng aso.
“Pare ano kayang nakain niyang alaga mo at kahapon ko pa nakikitang hinahabol ang bawat kotseng nagdadaan?”
Napatawa ang kausap.
“Ewan ko. Bigla na lang napag-tripan na habulin ang bawat sasakyan na nagdadaan sa tapat ng bahay namin. Nakatuwaang makipagkarera.”
“Paano kaya kung mahigitan ng aso ang bilis ng mga sasakyan?”
Napailing ang may-ari ng aso.
“Pare hindi na importante kung mahigitan pa niya o hindi ang bilis ng kotse, ang tanong ay ano ang gagawin niya kapag nalaman niyang mas mabilis pa siyang tumakbo kaysa kotse.”
Kagaya ng asong iyon, marami sa mga tao ay hindi batid kung ano ang “specific goal” nila sa kanilang buhay. Kung ano na lang ang maisipan, iyon ang gagawin. Kaya ang ending, kabiguan ang resulta sa bawat gawin nila.