NAGPAALAM ang binata sa ama ng magandang dalaga na nais niyang ligawan ang anak nito at kung susuwertehing sagutin, agad niya itong pakakasalan.
“Kailangan mo munang makapasa sa aking pagsubok bago mo ligawan ang aking anak,” sabi ng ama.
“Sige po, kahit ano gagawin ko.”
“Okey tayo sa aking bukid. Doon ay may tatlo akong kalabaw. Kailangang isa sa buntot ng tatlong iyon ay mahawakan mo. Maghahabulan kayo at nasa iyo na ang diskarte kung paano mo mahahawakan ang buntot ng isa.”
Sa bukid, isa-isang bubuksan ng ama ang kural ng tatlong kalabaw. Kapag lumabas na ang kalabaw sa kural, saka ito hahabulin ng binata.
Pagbukas ng unang kural, isang napakalaking kalabaw ang lumabas. Tinantiya ng binata na mahirap itong habulin kaya pinabayaan lang niya itong magtatakbo.
Hinintay niyang buksan ang ikalawang kural. Pero nagulat niya dahil mas malaki at mas makisig ang kalabaw na lumabas. Napailing ang binata, lalo itong mahirap habulin at hulihin kaya kagaya ng una, pinabayaan na lang niya itong tumakbo palayo.
Nang buksan ang ikatlong kural, isang matanda at payating kalabaw ang lumabas. Napangisi ang lalaki. Mabilis itong habulin at hulihin kaya sa isang iglap ay sinunggaban niya ito. Mabilis siyang nakasakay sa likod nito. Umusod siya sa pagkakaupo sa likod ng kalabaw patungo sa puwitan. Kailangang mahawakan agad niya ang buntot nito. Pinagmamasdan lang siya ng ama ng dalaga. Napapangisi ito.
Dinukhang ng binata ang puwitan ng kalabaw. Aba, wala siyang makapa…putris…wala palang buntot ang kalabaw!
Sa pagsubok na ibinigay ng ama ng dalaga, doon niya makikita ang attitude sa buhay ng lalaking nais magpakasal sa kanyang anak. Ang taong mabilis umasenso ay walang pinalalampas na oportunidad, hindi namimili ng trabaho at matiyagang sinusuong ang mga pagsubok gaano man ito kahirap.