FIRST day ng bagong CEO sa kompanya kaya ang bagong boss ay determinadong pagtatanggalin ang empleyadong tatamad-tamad. Naisip niyang maglibot sa buong building ng kompanya at gagawin niya ito nang pasorpresa.
Ang inuna niyang puntahan ay isang departamento na may pinakamaraming empleyado. Napansin niya ang isang lalaki na nakaupo sa isang tabi at nagse-cellphone lang.
Sa isip ng CEO, ang lakas ng loob na mag-cellphone sa oras ng trabaho. Ito ang una niyang sasampolan. Tamang-tama at maraming empleyado ang makakasaksi sa kanyang gagawin. Maipapakita niya kung gaano siya kalupit sa mga tatamad-tamad. Nilapitan niya ang lalaki.
“Ikaw magkano ang sinusuweldo mo?” nilakasan ng CEO ang boses para marinig ng lahat.
Nagulat ang lalaki.
“Sir, kumikita ako ng P3,500 per week.”
Dumukot ang CEO ng P4,000 sa kanyang wallet.
“Heto ang huling suweldo mo. Now get out because you are fired!”
Tumigil ang lahat sa kanilang ginagawa. Lahat ay nakatingin sa CEO.
Pagkaalis ng lalaking tinanggal sa trabaho, muling nagsalita ang CEO.
“Ano ang trabaho ng lalaking iyon?”
Napangisi ang lahat saka may sumagot sa katanungan nito.
“Sir, hindi po siya tagarito, nagdeliber lang siya ng pizza kanina.”
Ang uniform kasi ng delivery guy ay kakulay ng company uniform nila.