Pagamutan, kulungan at libingan

SA isang segment na uploaded sa aming Youtube TV, halu-halo ang reaksyon at comments ng mga viewers. Mas marami ang galit at negatibo, dapat raw ay tinulungan ko ang nagrereklamo imbes na pinayuhan ko lang ito.

Ang reklamo, binaril siya ng kanyang bayaw pero ang anak niya ang tinamaan. Nabuhay naman ang kanyang anak pero na­ngangamba siya sa kaligtasan ng kanyang pamilya sa probinsya.

Nagsimula ang sigalot nang pagpiyestahan daw ng kanyang aso ang mga sisiw at mga itlog ng manok sa poultry farm ng bayaw. Sa init ng ulo ng may-ari, hinanting ang kanyang aso at binaril ito.

‘Di pa nakuntento sa pagpatay sa aso ang sira ulong bayaw, siya naman ang pinagdiskitahan at binaril. Sa kasamaang palad, ang anak niya ang tinamaan ng bala sa tagiliran. Buti na lang at hindi malubha ang tama ng bata.

Dagdag ng nagrereklamo, simula pa lang daw nang manirahan ang kanyang pamilya sa probinsya ng asawa ay hindi na maayos ang pakikisama ng mga kamag-anak nito sa kanila.

Utak-kriminal daw ang mga ito at walang sinasanto na kahit sino. Kasalukuyan, nakasampa raw ang kaso sa hukuman laban sa bayaw na bumaril sa kanyang anak.

Sa tono ng kanyang sumbong, kinakailangang makialam ako at ipagtanggol ko siya. Lilinawin ko, hindi ako superhero, praktikal akong tao.

Sa mga ganitong reklamo, ang magagawa ko ay ipakita ang katotohanan ng sitwasyon at magi­ging kahahantungan ng bawat susunod na hakbang. Payo na may sinseridad at mula sa aking puso, nasa kanila na ang desisyon kung susundin nila ito o hindi.

Una, hindi na maaaring manghimasok ang BITAG sa problema, nasa poder na ito ng korte’. Ikalawa, walang magiging magandang katapusan ang sigalot na ito dahil nanghimasok na ang hukuman.

Ang aking payo, ilayo na ang pamilya sa kapahamakan, lumayo na sa mga kamag-anak. Mas ligtas para sa kanila kung sama-sama silang mamuhay ng tahimik malayo sa anumang panganib sa kanilang buhay.

Binigyan ko siya ng tatlong hantungan kung hindi sila lalayo’t makikipagmatigasan malapit sa mga kolokoy na kamag-anak. Pagamutan – tuloy-tuloy ang kanilang pagsasakitan; Kulungan – tuwing may nasasaktan ay kinakasuhan; Libingan – pag minalas, isa sa kanila ang mauuna sa huling hantungan.

 

Show comments