Yakap
MIYEMBRO ng isang organization ng kanilang unibersidad si Geli. Isang panahon ng Kapaskuhan, binisita nila ang isang bahay ampunan upang mamigay ng regalo sa mga batang ulila. Bukod sa pagsasagawa ng games, mayroon din silang storytelling activities. Si Geli ang naatasang magkuwento ng Christmas Story. Ikinuwento niya sa mga bata ang tungkol kay Mary at Joseph na nagtungo sa Bethlehem. Ngunit pagsapit ng gabi na kailangan na nilang magpahinga, wala silang matuluyang paupahang bahay para tulugan dahil puno na ito ng mga bisita. Sumasakit na ang tiyan ng buntis na si Mary kaya wala silang pagpipilian kundi makituloy sa silungan ng mga pastol at alaga nilang mga hayop. Kaya nang ipanganak si Baby Jesus, sa sabsaban siya pinahiga nina Mary at Joseph.
Upang matesting ni Geli ang imahinasyon ng mga bata, pinagdrowing niya sa mga ito ang eksena kung saan nakahiga si baby Jesus sa sabsaban. Magaganda ang drowing ng mga bata na nilagyan pa ng kung anu-anong simbolo ng Pasko sa paligid ng sanggol na nasa sabsaban. Ngunit isa ang nag-stand out, ang drowing ng walong taong gulang si Buchukoy. Dalawang bata ang nakahiga sa sabsaban, si Baby Jesus at isang malaking bata na inamin ni Buchukoy na siya iyon. Ipinakuwento ni Geli kay Buchukoy kung paano nangyari iyon.
Ito ang paliwanag ni Buchukoy: “Kapag malapit na po ang Pasko, nagiginaw ako sa pagtulog kahit na may kumot. Kawawa naman si Jesus na nag-iisang nakahiga sa sabsaban, siguradong nagiginaw din siya kagaya ng aking nararamdaman kaya tatabihan ko na lang siya para mainitan. Wala po akong pambili ng gift kagaya ng tatlong Hari na may naibigay na regalo kay Baby Jesus. ‘Yakap na lang po ang ireregalo ko sa kanya.”
Pigil na pigil ang emosyon ni Geli. Lumapit siya kay Buchukoy at niyakap niya ito nang mahigpit. Pagkatapos ay humiling siya sa mga bata:
“Kids, puwede bang humingi ng regalong yakap sa inyo? Group hug tayo please!”
Takbuhan ang mga bata palapit sa kanya. Masaya silang nagyakapan. Ulila rin siya at galing sa bahay ampunan. Mas masuwerte lang siya kay Buchukoy dahil baby pa lang siya ay may umampon na sa kanya.
- Latest