BINABANGIT ng isang Ed Castro ang opisina ni Maj. Gen. Mariel Magaway, ang hepe ng Directorate for Intelligence (DI) ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang pakikipag-usap sa mga gambling lords sa bansa. Kapag hindi kumilos si Magaway para tuldukan ang kahibangan ni Castro, aba baka mapuruhan siya ng mura ni President Digong, na umaaktong PNP chief sa ngayon. Araguuyyy! Tuwing may kausap si Ed Castro mga kosa, ang bukambibig niya ay “bakit wala kami sa DI”. May koleksiyon na sa jueteng ang DI sa panahon ngayon ni PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa? Kung sabagay, open secret naman ‘yan mga kosa na ang mga R2 o intelligence unit ng PNP ang may saklaw sa lahat ng ilegal sa bansa, kasama na ang lahat ng uri ng pasugalan. At ang lahat ng R2 sa Regional, District, Provincial, City at police stations ay ang mga intel chief ang gumagalaw sa pagkakakitaan. At lahat sila ay under ni Magaway bilang hepe ng DI. Araguuyyy! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kung sabagay, si Ed Castro mga kosa ay alyas lang ni Ramil Alcantara na siya ring nag-aayos ng jueteng sa Albay. Kaya intiendido si Alcantara pagdating sa sugal at mukhang walang makaaalpas sa panghaharabas niya gamit ang DI, dahil tiyak alam ng mga tauhan ni Magaway ang pasugalan sa buong Pinas dahil may listahan sila. ang jueteng sa Albay ay sumulpot matapos mahinto ang Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa hindi pagbabayad ng authorized agent nito ng tinatawag na Presumptive Monthly Retail Receipt (PMRR). At kapag, jueteng na ang namamayani, walang pakialam si PCSO Gen. Man. Royina Garma at ang kapulisan na ang may mando riyan. Get’s n’yo mga kosa? Hak hak hak! Kaya ang dapat puksain ni Magaway ang jueteng ni Alcantara sa Albay bago maakusahan na patong siya.!
Noong panahon ni Ret. PNP chief Gen. Oscar Albayalde, ang may pa-jueteng sa Albay ay si Jojo Bernardo, na pinaslang habang papalabas ng isang sabungan sa Bulacan. Ewan ko lang kung may linaw na ang kaso ni Bernardo? Sa pagkamatay ni Bernardo, pumalit si Ed Alvaran subalit matapos magretiro si Albayalde ay inagaw na ito ng tropa ni Alcantara, ayon sa mga kosa ko. Ang bangka at management ng jueteng na inaayos ni Alcantara sa ngayon ay mismong mga pulitiko sa Albay at kasamang nadudungisan ay ang pangalan ni Gov. Francis Bichara. Ano ba ‘yan? Hak hak hak! It takes two to tango talaga ang PNP at pulitiko kapag jueteng ang pag-uusapan, di ba mga kosa?
Sa Naga City naman, nagbola ng dalawang linggo ang gambling lords na si Ramon Joson ng Nueva Ecija bago tinakbuhan ang mga kausap. Tinamaan kasi ng husto ng bagyong Tisoy ang Naga City kaya halos walang kubransa na makuha si Joson. Bakit nagsulputan ang jueteng sa Bicol sa panahon ni Brig. Gen. Anthony Alcaneses sa PRO5? Sayang at inalok pa siya ni Digong na maging PNP chief pero jueteng lang di niya mapigilan? Abangan!