‘Discipline zone’ sa Quezon City, ikinasa!

NASA tamang landas si Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo nang itatag niya ang pet project  na “discipline zone” sa ilang bahagi ng siyudad ni Mayor Joy Belmonte. Ang layunin kasi ng “discipline zone” mga kosa na itinatag sa Cubao, West Ave., Katipunan Ave., Timog and Tomas Morato at Novaliches proper area ay para mahigpit na ipatupad ang city ordinances, special laws at criminal laws. Nais ni Montejo na pangalagaan ang seguridad ng mga Pinoy at banyaga na dumadayo sa naturang mga lugar, lalo na ngayong Kapaskuhan. Get’s n’yo mga kosa? Siyempre, nangako si Montejo na walang sisinuhin ang kanilang kampanya na sinuporthan ng todo ni Mayor Belmonte. Kung sabagay ang puna nang marami, tayong mga Pinoy ay wala talagang disiplina at makikita naman ‘yan sa social media na puro bangayan lang itong mga pro-Digong at mga Dilawan. At higit sa lahat, puro tama at walang mali sa kanila. Kaya imbes na sumulong ang bansa natin, paurong tayo. Hindi tayo umaangat at puro sisihan na lang ang nangyari kaya hindi sapat ang anim na taon ng Presidente natin. Araguuyyyy! Kaya tama lang ang puna ni dating Singapore Prime Minister Lee Kuan Yew na sobra-sobra talaga ang ating demokrasya. Hak hak hak! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan, mga kosa?

Kaya sa pagtatag niya ng “discipline zone”, sinisiguro ni Montejo na walang sasantuhin sa kampanya niya para kumalat ito sa ibang lugar ng Pinas at maging halimbawa sa Pinoy at tularan sila. Kapag napansin kasi ito ng mga kabataan, maging sa kabahayan nila ay susunod sila sa mga alituntunin o disiplina ng mga magulang nila. Get’s n’yo mga kosa? Kaya todo-suporta naman si Mayor Belmonte at ibinuhos niya ang personnel ng DPOS, traffic, city health, social welfare at market aides para isulong ang «discipline zone» project ni Montejo. Hindi lang kasi ang lumalabag sa batas trapiko at vendors, kundi maging sa illegal parking at pati ang mga Badjao at Aeta na nagmamalimos o namamasko sa kalye ang target ni Montejo. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya nananawagan si Montejo na suportahan ng mga taga-Kyusi ang kanyang proyekto dahil sa hinaharap, sila rin ang makikinabang dito.

Noong Lunes, nagkaroon ng dry-run ang proyekto ni Montejo at iniulat niya sa press briefing ni NCRPO chief Brig. Gen. Debold Sinas sa Kamuning, Quezon City na marami silang nahuling lumabag sa batas trapiko. At dahil tapos na ang Southeast Asian Games (SEAG) kung saan host ang bansa, ang mga na-deploy niyang kapulisan ay nag-secure muna ng mga foreign athletes na namili o nagliwaliw sa nabanggit na mga lugar. Kapag naging matagumpay ang dry-run, nangako naman si Mayor Belmonte na ikakalat niya ito sa ibang lugar sa Quezon City dahil makabuluhan ang proyekto ni Montejo na dapat tularan ng iba pang siyudad at bayan sa Metro Manila. Hak hak hak! Halatado na ako ah! Abangan!

Show comments