ISANG lalaki sa China ang tumatawid sa ilog araw-araw na ang sinasakyan ay isang buong kawayan.
Kayang-kaya ni Fang Shuyun, 51, na lakbayin ang ilog habang nakasakay sa isang buong kawayan. Naging laman siya ng balita sa China nang kumalat ang video niya kung saan makikitang binabagtas niya ang Fuchin River habang sakay lamang ng isang 23-talampakang haba ng kawayan.
Unang naisip ni Fang na gawing “balsa” ang isang buong kawayan nang maiwanan siya ng mga bumibiyaheng bangka na kanyang sinasakyan pauwi mula sa trabaho. Nakita niya ang isang palutang-lutang na kawayan sa ilog at noon niya naisip na puwede niya itong sakyan pauwi.
Nabigo siya noong una niyang subukan na sakyan ang nag-iisang kawayan kaya naman nag-ensayo siya ng dalawang taon upang mapabuti niya ang kanyang balanse. Natuklasan niyang kailangan lang na maging pantay ang tapak sa kawayan at huwag itong hayaang gumulong sa tubig upang masakyan ito. Kailangan din daw na higit sa 13 talampakan ang haba ng kawayan upang lumutang ito.
Hangang-hanga naman ang netizens ng China kay Fang na para sa kanila ay isang master ng kung-fu dahil sa kanyang nagawa.