SA halip na matakot ang grupong nagsusulat sa mga pader sa Maynila, umatake uli ang mga ito at ang pader naman ng Araullo High School sa Taft Avenue ang kanilang sinulatan. Ang dating malinis na pader ng eskuwelahan ay naging marusing dahil sa ginamit na itim na pintura. Kitang-kita ng mga nagdaraang estudyante, empleyado at dayuhan ang kasalaulaang ginawa. Napakapangit tingnan.
Noong nakaraang linggo, sinalaula ang bagong linis na Lagusnilad underpass. Bagong pintura ang pader at makintab ang tiles. Kaaya-ayang dumaan doon. Iprinisenta pa ni Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang bagong underpass. Ayon sa mayor, pinagtulungan itong linisin ng mga empleyado ng city hall at engineering office. Pinagtiyagaang kaskasin at binugahan ng tubig ang malibag na pader at flooring para masiyahan ang sinumang daraan. Pero makalipas ang isang linggo, ang malinis na pader ay biglang naging marusing. Ang dating makintab na tiles ay naging marumi na naman dahil sa vandalism. Maraming nakasulat sa pader ang tema ay protesta laban sa gobyerno. Pulang pintura ang ginamit sa pagsusulat. Pati ang pader sa Quezon Bridge ay hindi pinatawad ng vandals. Ganundin ang haligi ng LRT sa Rizal Avenue.
Hindi lamang sa Maynila sumasalakay ang vandals kundi maging sa iba pang lungsod sa Metro Manila. Sa Quezon City, maraming footbridge ang tadtad ng sulat. Napakaruming tingnan ng pader na sinulatan gamit ang kulay pula o itim na pintura.
Nagbanta naman si Mayor Isko na kapag nahuli niya ang mga nagsusulat sa pader sa Maynila, ipadidila niya sa mga ito ang sinulat. Huwag lang daw pahuhuli ang mga ito at gagawin niya ang banta.
May ordinansa ang bawat lungsod at bayan laban sa vandalism. Nararapat paigtingin ang ordinansa para madakma at maparusahan ang vandals. Isa sa magandang gawin ay lagyan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang mga lugar para mahuli ang vandals. Pagrondahin din ang mga barangay tanod para madakma ang mga salaula.