SA kabila ng nangyayaring kaguluhan ngayon sa Hong Kong na nagdulot ng pinsala sa mga establisemento at paghina ng ekonomiya, nagawa pa ring maipagbenta ang isang parking space doon sa halagang aabot ng halos $1 milyon.
Ipinagbenta ang parking space ng negos-yanteng si Johnny Cheung Shun-yee sa halagang HK$7.6 million o $970,000 (katumbas ng halos P51.2 milyon).
Kasingmahal na nito ang isang kuwarto sa mga mamahaling lugar sa London. Higit 30 beses din ang presyo nito sa karaniwang suweldo na natatanggap ng mga taga-Hong Kong sa loob ng isang taon.
Matatagpuan ang pinakamahal na parking space sa mundo sa The Center, na panlima sa pinakamataas na skyscraper sa Hong Kong. Naging laman din ng balita ang nasabing building noong October 2017 nang isa sa office spaces nito ang tanghalin bilang pinakamahal sa buong mundo nang maipagbenta ito sa halagang $5 bilyon (katumbas ng humigit-kumulang P255 bilyon).
Hindi naman kinilala sa mga report kung sino ang nakabili ng parking space.