Tigilan na ang hamunan, trapik solusyunan!

HindI nakakatulong kundi lalo pang nagpapainit sa ulo at pikon nang motorista ang mga ginagawang ‘hamunan o ang ‘commute challenge’ sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaan at iba’t ibang grupo. 

Kaugnay ito sa matinding trapik o sinasabing traffic crisis na nararanasan sa bansa partikular sa Metro Manila.

Habang naghahamunan at nagbabalitaktakan, nagpapasikatan, aba’y ang publiko o motorista naman ang talagang nagdudusa sa kalbaryo sa trapik.

Bagamat maituturing na ‘tatak’ na sa Metro Manila ang trapik at hindi masosolusyunan sa mabilisang paraan, inaasahan naman o makita naman sana ng publiko eh may ginagawang paraan na nararamdaman.

Ano ngayon kung magtapatan kayo ng ‘challenge’, may nagbago ba? Lumuwag ba ang trapik? O hindi ba’t hindi naman!

Ngayon pa nga lang ay naghahanda na ang mga motorista sa mas matindi pang kalbaryo sa trapik na mararanasan lalo ngayong papalapit na ang holiday season.

Kaya nga ngayon pa lang ay may pakiusap na sa mga mall owners na huwag nang magkaroon ng weekdays sale . Pati ang opening at closing din ng mga mall hiniling na i-adjust para hindi masabay ang mga shoppers sa rush hour.

Pero eto ha, eto ang dapat na bigyan ng mas matinding pansin, bakit ba hindi muna ipatigil ang mga minor construction at repair sa mga lansangan. Hindi ang mga malalaking proyekto ng gobyerno ang tinutukoy ko, yung maliliit na repair na tumatagal na yata ng taon.

Sumasabay pa ang mga ito sa masikip ng trapik, nakakabuwisit , ang siste pa sana kung magdamag lang ang gagawin.

Aba’y ang liit na proyekto inabot ng ilang buwan at taon . Ang mga gamit nakahambalang pa sa kalsada, pero wala namang gumagawa. Nag-iiwan ng malalaking hukay na hindi rin siyepmre pa madadaanan.

Dapat itong masilip ng mga kinauukulan dahil maging ang mga ito eh sagabal sa daan.

Tiis-tiis pa raw sa trapik, ang hindi nila alam nauubos din ang pasensya ng nai-istress nang matorista.

Show comments