Matindi na talaga ang kalbaryong dinaranas ng ating mga kababayan sa mga lansangan.
Bukod nga sa pagkakaroon ng kabi-kabilang aberya sa mass transport kapag naman nag-commute, ang matinding pahirap ng trapik ang kakaharapin.
Hindi nga ba’t ilang araw na natigil ang operasyon ng LRT- 2 na mabuti na lang at kahit papaano ay nakapagsimula na uli ng kanilang partial operation.
Talagang nanaisin ng maraming commuter na sakyan ang mass transport kahit madalas ang aberya, mahaba ang pila at kahit pa nga halos magkapalitan na ng mukha dahil sa sikip, ito pa rin ang kanilang pipiliin dahil nga sa todong pahirap ng trapik sa ilalim.
Ngayon mukhang hindi na kinakaya ng mahabang pasensya ang grabeng trapik na nararanasan sa SLEX. Inaabot ng nasa dalawa hanggang tatlong oras ang trapik sa mga pangunahing lansangan sa gawi ng Muntinlupa dahil sa construction ng Skyway extension project.
Kaya nga matindi ang panawagan na ilibre muna ang bayad sa SLEX dahil pahirap at hindi ginhawa o luwag ang dulot na nararanasan sa kasalukuyan.
Maiinit na ang ulo ng maraming motorista hindi na kinakaya ng kanilang ‘powers’ at mahabang pisi ng pasensya.
Isa pa nga raw dito ay hindi agad-agad naabisuhan ang mga motorista sa mga gagawing pagsasara ng lane kaya ayun, nagkasanga-sanga ang dami ng sasakyan na naipit sa matinding trapik.
Hindi lang sa SLEX yan, maging sa NLEX ay nakakaranas din ng matinding trapik. Eh may tatalo pa ba sa trapik sa EDSA.
Hindi pa yan, ‘wag kayong aatakihin dahil may pahaging na ngayon pa lang na pagpasok ng Nobyembre asahan pa ang mas matindi at mabigat na trapik.
Titindi pa ito dahil nga sa nalalapit na holiday season at isama pa ang gaganaping South East Asian Games sa bansa sa susunod na buwan.
Kaya nga kaysa maghamunan ng kung anu-ano, tutukan na lang kung paano kahit bahagya eh masolusyunan ang grabeng trapik.