ISANG eroplano na papalapag sana sa Pennsylvania airport ang nag-landing sa kalapit na Susquehanna River doon.
Ayon sa executive director ng Susquehanna Regional Airport Authority na si Tim Edwards, bagamat nasa maayos na kalagayan, kinailangan pa ring dalhin sa ospital ang piloto at ang nag-iisang pasahero ng single-engine na eroplano para sa galos at pasa na kanilang tinamo.
Ayon kay Edwards, nangyari ang kakaibang pag-landing nito lamang nakaraang Biyernes. Bigla na lang daw namatayan ng makina ang eroplano kaya kinailangan nitong mag-landing sa ilog kahit malapit na sa airport.
Dahil nalubog sa tubig, sa may pakpak na nakalabas ang dalawang sakay ng eroplano.
Nanatili namang palutang-lutang sa tubig ang eroplano ilang oras mula nang mag-landing sa ilog.