ISINILANG siyang 100 percent na bading, meaning, wala nang pag-asang ma-convert sa pagiging tunay na lalaki, maglupasay man habang nagnonobena ang kanyang ama’t ina sa harapan ng mga machong santo. Jojo ang ipinangalan sa kanya pero nang “ magdalaga” ay naging Jaja. Palibhasa ay wala na talagang magagawa, pumayag na lang ang mga magulang nito na kumuha ng kursong cosmetology. Pagkatapos niyang mag-aral ay ipinagpatayo siya ng mga magulang ng beauty parlor.
Tinanggap nang buong puso ng mga magulang ang kanyang pagkatao kaya pinanindigan na niya nang todo ang kanyang kabaklaan—damit pambabae ang isinusuot niya at may mahaba siyang buhok. Sa biglang tingin, mapagkakamalan talaga siyang babae. Mabait at masayahing tao si Jaja. Kung pagpapaganda sa ibang tao ang una niyang talent; ang pangalawa ay ang pagpapatawa. Suggestion ng mga kakilala, bakit hindi magtrabaho sa comedy bar dahil marunong din itong kumanta.
Ngunit isang araw, ang mabait, masayahin at magaling na parlorista ay natagpuang wala nang buhay sa kanyang parlor. Nakabitin ito sa ilalim ng hagdanan. Sa unang malas ay nagbigti siya. At ganoon nga ang naging teorya ng mga pulis: nagpakamatay si Jaja sa pamamagitan ng pagbibigti. Pero ang nakakaloka, hanggang kamatayan ay baklang-bakla si Jaja. Sa halip na lubid ang gamitin sa pagbigti, ang ginamit niya ay scarf na nagkakahalaga ng P1,000 isang piraso. Pinagkabit-kabit niya ang ilang piraso ng scarves. May nakuhang suicide note sa tabi ng bangkay ang mga pulis. Walang nakasaad kung bakit siya nagpakamatay. Ang nakasaad lamang sa letter ay ang mga gustong mangyari ni Jaja mula sa unang gabi ng lamay hanggang sa araw ng paglilibing sa kanya. 1) Ang best friend niyang make-up artist ang magme-make sa kanya. 2) Purple gown ang isusuot sa kanya with matching high heel sandals. 3) Isuot din sa kanya ang paborito niyang Guess sunglasses. 4) Magsusuot ng pink dress ang mga bading na makikilibing at 5) Huwag aatungal ng iyak ang kanyang ina. Kung nais umiyak, dapat ay mahina lang at may nakatakip na panyo sa bibig.
Lahat ng taong nakaalam ng kanyang huling habilin ay hindi maiwasang mapangiti. Si Jaja talaga, kahit sa kamatayan ay nakukuha pang magpatawa. Ang ikinalungkot lang ng mga kaibigan niya, sinarili ni Jaja ang problema kaya bumigat at hindi na nito nakaya.