HPG chief Cruz, kumilos vs corruption!
SINIBAK ni Highway Patrol Group (HPG) commander Brig. Gen. Eliseo Cruz ang 7-man team HPG clearance team sa Muntinlupa City dahil sa tinatawag na non-appearance sa pagrehistro ng second hand vehicles. Itong non-appearance ay sinisisi ni Cruz na nasa likod ng pagtaas ng kaso ng carnapping dahil sa narerehistro ang mga nakaw o nakasanla na sasakyan sa HPG clearance section saang bahagi man ng bansa.
Para matuldukan na ang pagbenta ng nakaw na sasakyan o yung tinatawag na talon, minabuti ni Cruz na mag-isip ng paraan para hindi makalusot ang mga ito sa kanyang liderato. Araguuyyy! Ganire ang naisip ni Cruz na paraan! Ang lahat ng pinarehistro na second hand na sasakyan ay kailangang malitratuhan sa harap ng may-ari na nakaturo sa license plate habang nakamasid ang naka-unipormeng HPG clearance officer.
At tuwing command conference sa HPG headquarters sa Camp Crame ay pinipresinta ang mga kuhang litrato para husgahan ni Cruz kung may nagpapalusot pa sa kanyang mga tauhan. At dito nahuli ang HPG clearance section sa Muntinlupa dahil super-impose ang litratong ipinakita ng tropa at tabingi pa kaya napuna ni Cruz na kaagad nagdesisyon na non-appearance ito at may kumita. Hak hak hak! Kuwarta na naging bato pa kaya hayun ang pitong pulis HPG ay nasa EDSA.
Sinabi ni Cruz na sangkaterbang reklamo ang natatanggap nila araw-araw sa HPG patungkol sa mga nabibiling second hand na mga sasakyan dahil dito sa non-appearance sa registration nito. Kapag non-appearance kasi, siyempre ligtas din maging sa macro-etching ang sasakyan ng crime laboratory ng PNP kaya’t itong pamamaraan ang ginagamit ng mga carnapper at ilan pang scammer para manloko ng mga ordinaryong mamamayan.
Dahil sa non-appearance sa registration ng sasakyan, ang mga nakaw at nakasanla ay naparehistro, at pati macro-etching nito ay dispalinghado kaya mabilis maibenta sa mababang halaga. Maraming ganitong kaso ang na-encounter ni Cruz kaya minabuti n’yang ipatupad ang weekly conference kung saan ipinakikita ng mga clearance officers ang litrato ng mga nirerehistrong sasakyan habang sa harap pa mismo ng may-ari para maiwasan ang corruption sa hanay ng HPG. Araguuyyy! Hak hak hak! Sa non-appearance kasi, tiyak may kita rin ang mga HPG clearance officers, di ba mga kosa? Kailangan pa bang i-memorize yan?
Sa ngayon, balak ni Cruz na hindi lang sa Metro Manila magkaroon ng weekly briefing ang mga HPG clearance officers kundi maging sa probinsiya. Nagsagawa na ng teleconference si Cruz sa hepe ng HPG clearance sa Cavite kaya wala nang hadlang para hindi ito makayanan ng mga iba pang sangay nila sa ibang bahagi ng bansa.
Malaki ang paniwala ni Cruz na kapag naipatupad na ang pagbabawal ng non-appearance sa pagrehistro ng second hand cars, ay bababa ang kaso ng carnapping sa bansa dahil hindi na nila kakutsaba ang mga clearance officers ng HPG. Araguuyyy! Hak hak hak! Nasa tamang landas lang si Cruz at hindi nagkamali si PNP chief Gen. Oscar Albayalde na italaga s’ya sa HPG, di ba mga kosa? Kaya’t go, go, go lang Gen. Cruz dahil kailangan ng sambayanan ang serbisyo mo sa publiko. Abangan!
- Latest