Bakit may natutuwa sa masamang kapalaran ng kapwa?

MAGKAAWAY ang magkapitbahay na sina Loi at Ness. Nagkaroon ng cancer si Ness. Nalaman ito ni Loi. Palibhasa ay magkaaway, bawat makausap nitong si Loi sa neighborhood ay ikinukuwento nito na may cancer si Ness. May karugtong pa itong salita na: Palibhasa ay masama ang ugali kaya nagkasakit.

Pagkalipas ng isang taon ay gumaling si Ness. Habang bumalik ang good health ni Ness, ang kapitbahay niyang si Loi  na dating walang sakit ay bigla na lang inatake sa puso. Nabuhay naman ito matapos operahan at gumastos ng mahigit isang milyon.

May isa pang magkapitbahay na pangalanan nating Belinda at Lucy. Hindi sila magkaaway pero kapag inaatake ng pagkainggit itong si Belinda ay hindi niya pinapansin si Lucy. Minsan ay halos lumuwa ang mata ni Belinda nang idiliber ang bagong kotse ni Lucy sa tapat ng kanilang bahay. Simula noon matabang nang makitungo si Belinda kay Lucy hanggang hindi na nito pinapansin ang dating ka-vibes na kapitbahay.

Minalas na-stroke si Lucy. Bawat makausap ni Belinda na alam niyang kilala rin si Lucy ay itsinitsismis nito na na-stroke ang kapitbahay. Parang isang superstar sa showbiz si Lucy na hanggang sa kabilang kalye ay balitang-balita na naparalisa ang katawan nito.

Mga dalawang buwan pagkaraang ma-stroke si Lucy, si Belinda ay inatake ng dating sakit. Gabi noon at bumabagyo. Wala silang sasakyan para ito isugod sa ospital. May sasakyan ang mga kapitbahay pero kaaway ni Belinda ang mga ito. Hindi man niya technically kaaway si Lucy, hindi nila ito malapitan dahil si Belinda ang unang nang-isnab dito. Isama pa ‘yung guilt na siya ang nagkalat sa neighborhood na paralisado ang katawan ni Lucy. Umaga na nang makakuha ng taxi ang pamilya. Huli na ang lahat. Patay na ito nang dumating sa ospital.

“Karma is like a rubber band. You can only stretch it so far before it comes back and smacks you in the face.” — MotivationQuotes.org

Show comments