Sino ngayon ang magsasabing hindi nakakamatay o walang namamatay sa trapik?
Literal na may namamatay o namatay sa matinding trapik na nararanasan sa maraming lansangan partikular sa Metro Manila lalu na sa EDSA.
Base sa ulat, ilang emergency patients na lulan ng mga ambulansya ang hindi na nakakaabot ng buhay sa pagdadalhang pagamutan. Ito ay dahil sa naiipit nga sa matinding trapik ang mga ambulansya.
Pagbigyan man o palusutin man ng ibang motorista ang mga ito, dahil sa wala na ring susuungan kaya talagang matitigil at matitigil nang matagal sa daan.
Minamalas na hindi na agad naisasalba o nakakarating sa patutunguhan ang mga emergency patients.
Ngayon nga may kautusan na rin si Pangulong Digong sa mga tauhan ng PNP-HPG at MMDA na eskortan na ang mga ambulansya na may dalang emergency patients.
Ito na ang kalagayan ng trapik na kinakaharap ng bansa, ganyan na katindi, bukod pa nga ang milyun-milyon o bilyon ang nawawala sa kaban ng bansa dahil sa trapik.
Eh kapag ang trapik ang pinag-uusapan siyempre, nakatuon ang mata ng publiko sa MMDA na nagsabi namang ginagawa nila ang kanilang makakaya, pero ang hindi kinakaya lalu ng sa kahabaan ng EDSA eh ang volume na ng mga sasakyan na dumadaan dito.
Ayon sa MMDA halos taun-taon nadaragdagan ang mga regular na sasakyang na dumadaan sa EDSA.
Mula lamang Enero hanggang Agosto ng 2019 na tumaas sa 405, 882 ang mga sasakyang dumadaan dito kumpara noong nakalipas na taon sa ganun ding petsa na 383, 828. Sa nalalapit na naman na pagtatapos ng taon inaaasahang may mga bagong sasakyan na naman ang makikipagsiksikan sa naturang daan.
Yan ang matindi talagang kalbaryo na kinakaharap ng publiko at motorista.