SALAMAT sa social media at hanggang ngayon ay may communication pa rin kaming magkakaklase sa kolehiyo. Paminsan-minsan ay nagkikita-kita pa rin kami kapag may birthday celebration o kaya ay may nag-organize ng out of town trip. Kamakailan lang ay nabalitaan namin na pumanaw na ang isa naming classmate sa edad na 59. Hindi na siya nakapag-asawa. Siya ang kauna-unahang classmate na namaalam.
Matalino ang kaklase kong ito kaya may pagkadominante. Isa siya sa aking mga kaibigan pero madalas kaming magtalo. Sinasabi ko kasi ang nasa loob ko samantalang ‘yung ibang kaibigan namin ay hindi na lang nakikipagtalo para walang gulo.
Magkaganoon pa man, ilang minuto lang kaming magkakai-nisan at pagkatapos ay bati na ulit. Wala akong kaplano-planong magsulat sa newspaper ng aming unibersidad pero niyaya niya ako isang araw na mag-aplay. May announcement kasi na tumatanggap ng bagong batch ng campus writers.
May experience siya sa pagsusulat dahil siya ang editor ng kanilang high school newspaper noon. E, ako walang karanasan. Sa bandang huli ay ako lang ang nakapasa sa “talent/written exam”. Siya ang aking naging tulay para ako maging writer ng campus newspaper.
Kung may pagkakataong “angel” siya sa aking buhay, may pagkakataon din na panira siya sa aking mga ilusyon. Tuwing maaalaala ko ang pangyayaring ito ay hindi ko maiwasang mapatawa. Sabay-sabay naming kinuha ang aming graduation pictures sa photo studio na kapartner ng aming unibersidad. Ang pictures na ito ang ibabandera sa aming year book.
Lahat kami ay gandang-ganda sa aming mga hitsura sa litrato. Pero espesyal ang nadama kong kasiyahan nang oras na iyon dahil maganda ang pagkaka-make-up sa akin ng make-up artist ng studio. Ang nose line na ginawa nito ay nagbigay ng ilusyon na matangos ang nangangamatis kong ilong. Sa totoo lang, super gandang-ganda ako sa sarili ko. Habang tinititigan ko ang aking litrato, may nagsalita sa aking likuran. May isang tao pa rin palang nakatunganga sa aking litrato. Siya iyon. Nagsalita ito:
“Ay, hindi ka maganda diyan. Hindi natural ang hitsura mo!”
Hindi ako nakaimik. Biglang binasag ang aking pagpi-feeling maganda. Kung nauso na noon ang salita ni Vice Ganda sa mga namimintas ng ganda ng ibang tao ay malamang na sabihin ko ito sa aking nagmamalditang classmate:
“Ganda ka ‘te? Ganda ka ? ”
Sa totoo lang, kagaya ko rin siya na himbing na himbing sa pagkakatulog nang isabog ng Diyos ang kagandahan sa mundong ito kaya hindi man lang nakasalo kahit kaunti.