Ang dasal ni Aurora
ANG Greek goddess ng bukangliwayway na si Aurora ay umibig sa isang tao, si Titonius. Si Aurora ay walang kamatayan kaya nalulungkot siya sa ideya na may katapusan ang pagmamahalan nila ni Titonius. Gusto sana niya ay walang katapusan ang kanilang pagsasama ni Titonius. Nagdasal si Aurora sa kanilang hari na si Zeus:
“Mahal na hari, bigyan mo nang buhay na walang hanggan ang aking mahal na si Titonius.”
Narinig iyon ni Zeus at kaagad nitong ipinagkaloob ang buhay na walang hanggan kay Titonius. Dumating ang maraming taon, tumanda na nang tumanda si Titonius. Habang tumatanda ay pahina na nang pahina ang katawan nito. Hirap na hirap si Aurora sa pag-aalaga sa kanyang asawa. Ang regalo ng hari kay Titonius ay tila naging masamang sumpa kay Aurora. Habang panahon siyang mag-aalaga ng mahinang matanda. Nakalimutan niyang dugtungan ang kanyang panalangin kay Zeus na panatilihing bata at malakas si Titonius.
Ikinumpara ng mga Kristiyano ang pagdalangin natin sa ating Diyos, sa pagdalangin ng mga diyos at diyosa kay haring Zeus. Mapagbigay na hari si Zeus. Kung ano ang eksaktong hiniling ni Aurora ay iyon ang ibinigay niya. Kaya kung may nakalimutang sabihin sa kahilingan, sorry ka na lang. Hindi mo sinabi, eh!
Pero ibang sumagot ang Diyos sa ating mga panalangin. Minsan ay “no” ang sagot niya. Mas higit kasi niyang alam kung ano ang makabubuti sa atin. Okey na ang ganoon. Para hindi tayo magsisi kagaya ni Aurora.
- Latest