Dear Atty.,
Sampung taon na po ka-ming kasal ngunit sa nakaraang apat na taon ay hindi na po kami nagsasama ng asawa ko. Bagamat hindi ko alam saan siya mismo nakatira nabalitaan ko sa mga kaibigan namin kamakailan na may kinakasama na siyang iba.
Wala na po akong komunikasyon sa kanya at wala rin siyang ibinibigay na sustento sa dalawa naming anak kaya iniisip kong ibenta ang lupa na naipundar namin noong kami’y nagsasama pa. Maari ko po bang ibenta ang lupa ng walang pahintulot niya? Hindi na rin naman siya nagpapakita sa amin at matagal na siyang walang pakialam sa kapakanan naming mag-iina. -- Rachel
Dear Rachel,
Bagama’t matagal na kayong hindi nagsasama ng iyong asawa, hindi pa rin kayo hiwalay sa ilalim ng batas kaya hangga’t hindi kayo nakakakuha ng hatol sa korte na nagdedeklarang legally separated na kayo o kaya’y wala nang bisa ang inyong kasal ay mananatiling magkatuwang kayo sa pagiging may-ari ng inyong mga ari-arian. Ang ibig sabihin nito ay kakailanganin mo pa rin ang pahintulot at pirma ng iyong asawa bago mo maibenta ang inyong mga ari-arian.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang remedyo sa batas ang mga nasa sitwasyon mo. Ang mga katulad mong inabandona na ng asawa ng walang sapat na dahilan ay maaring magsampa ng petisyon na humihiling sa korte na hatiin na ang inyong mga ari-arian o kaya’y awtoridad na pumasok sa mga transaksyong kailangan ng pahintulot ng nag-abandonang asawa katulad ng pagbebenta ng inyong conjugal property.
Upang mapagbigyan ang iyong petisyon, kailangan mong patunayan na ang pag-abandona sa iyo ng iyong asawa, na ayon sa Article 101 ng Family Code ay maari nang ipagpalagay kapag tatlong buwan nang hindi umuuwi ang asawa sa tahanan at wala man lang kahit anong pasabi mula sa kanya kung nasaan siya naroroon.
Sa kaso mo ay malinaw ang pag-abandona sa iyo ng iyong asawa kaya maaring magsampa ka ng alinman sa mga nabanggit na petisyon upang maipagbenta mo ang inyong conjugal property.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang payong legal na nakasaad sa kolum na ito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.