ISANG bisita sa Crater of Diamonds State Park sa Arkansas ang nakapulot ng 3.72-carat yellow diamond, ang pinakamalaking diyamante na natagpuan sa nasabing park sa loob ng higit dalawang taon.
Ayon kay Miranda Hollingshead, 27, nakaupo lang siya sa isang tabi at nanood ng isang YouTube video sa kanyang cell phone tungkol sa paghahanap ng diyamante nang mapatingin siya sa baba.
Noon niya nakita ang diyamanteng nasa paanan lang niya.
Agad namang dinala ni Miranda at kanyang pamilya ang napulot na diyamante sa Diamond Discovery Center ng parke, kung saan kinumpirma ng mga namamahala roon na isa itong 3.72-carat yellow diamond.
Dagdag pa ng mga opisyal, maaaring lumitaw daw ito dahil sa ulan at inanod papunta sa ibabaw ng lupa.
Hindi pa nagdedesisyon si Miranda kung ibebenta niya ang diyamante o ilalagay ito sa isang singsing.