^

Punto Mo

Kailan nagiging lagay ang bigay?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAGULANTANG tayong lahat nang sabihin ni President Duterte sa mga pulis sa loob ng Camp Crame na okey lang na tumanggap sila ng regalo, basta’t hindi nila ito hiningi para gawin ang kanilang tungkulin o kung ito’y ibinigay bilang pagpapasalamat sa nagawa nilang tungkulin.

 Marami ang bumatikos sa deklarasyon ng Presidente sa pagsasabing ipinagbabawal ng batas sa sinumang opisyal at kawani ng gobyerno ang pagtanggap ng anumang regalo sa anumang okasyon, kasama na ang Pasko. Kaagad ipinagtanggol ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang deklarasyon ng Presidente sa pagsasabing okey     lang ang bigay kundi naman ito lagay, okey lang ang regalo kung maliit lang naman at hindi malaki. Pero kailan ba nagiging lagay ang bigay? Gaano kaliit ang maliit? Gaano kalaki ang malaki?

Dahil anumang sabihin ng Presidente ay nagiging mandato kundi man patakaran, natatakot ako na ang deklarasyon ng Presidente ay lalong magsusulong sa tinatawag nating kultura ng katiwalian, hindi lamang sa PNP, kundi sa lahat ng sangay ng gobyerno.

Noon ay nangyayari ang patagong pagbibigayan ng regalo, sapagkat ito nga’y ipinagbabawal ng batas. Baka ngayon ay maging lantaran na ito dahil may basbas mismo ng Presidente. Napakadali lang ikatwiran na ang tinanggap ay hindi hiningi kundi ibinigay, na ito’y maliit at hindi malaki.

Lahat nang malaki ay nagsisimula sa maliit.  Dahil “open-sesame” na ang pagbibigay ng regalo, mahihirati ang mga nasa gobyerno sa pagtanggap ng regalo. Sa kinalaunan ay hindi na sila masisiyahan sa maliit, hanggang sa ang malaki ay ituring na ring maliit.

Ang mas malalim na usapin sa harap ng kaganapang ito’y ang pagpupunla sa isip ng mga nasa gobyerno ng tinatawag na “value system.” Ito ang prinsipyo ng tama at mali o ang pamantayan at patakaran na gumagabay sa asal at ugali ng isang tao o organisasyon.

Ako’y naniniwala na hindi makatutulong ang deklarasyon ng Presidente sa pagtataas sa reputasyon ng “public service” bilang “public trust.” Ang mga nasa gobyerno ay sinusuwelduhan mismo ng mga mamamayan sa pamamagitan ng kanilang buwis, kung kaya’t hindi na kailangang tumbasan ng bigay o regalo ang pagtupad nila ng talaga naman nilang tungkulin. Ang ninanais nating lahat, ang gobyerno ay maging institusyon ng mga taong may wagas na hangaring makapaglingkod nang tapat sa bayan.

Noong panahon ni Juan Bautista, tinanong siya ng mga kawal kung ano ang kanilang gagawin bilang kapahayagan ng kanilang pagbabago.  Ganito ang sagot ni Juan Bautista, “Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong suweldo.” Dito sa pinag-uusapan natin, di naman daw sapilitan ang bigay. Pero napakaganda ng sinabi ni Juan Bautista sa mga kawal ng kanyang panahon, “Masiyahan kayo sa inyong suweldo.” Sa palagay ko’y ito ang susi, kung ang mga nasa gobyerno ay masisiyahan sa kanilang suweldo, wala nang tatanggap ng bigay o regalo. Muli, ang mas malalim na usapin dito’y “value system.” Kung ang motibasyon ng pagpasok ng isang tao sa gobyerno ay dahil sa suweldo, kailnaman ay hindi siya masisiyahan sa kanyang suweldo.  Pero kung ang motibasyon ng kanyang pagpasok ay para makapaglingkod sa bayan, maging ang maliit na suweldo ay nagiging malaki. At ang higit na mahalaga, nakakatagpo siya ng kasiyahan mula sa maliit.    

vuukle comment

BIGAY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with