ISANG 17-toneladang truck ang nabuhat habang nakakabit sa isang crane gamit lamang ang super glue.
Nakapagtala ang Delo, isang kompanya sa Germany na gumagawa ng mga pandikit, ng bagong world record para sa pinakamabigat na bagay na nabuhat gamit lamang ang glue. Ang truck na nabuhat ay may timbang na 17.20 tonelada.
Ipinahid ang glue sa isang maliit na aluminum cylinder na sinlaki lang ng lata ng soft drink na idinikit sa truck. Pagkadikit sa truck, hinila naman ang aluminum cylinder ng isang crane pataas dahilan para mabuhat ang truck sa taas na 1 metro.
Isang oras din na nakabitin ang truck, na ang tanging koneksyon sa crane ay ang aluminum cylinder na pinahiran ng glue ng Delo.
Madalas mabasag ang record para sa pinakamabigat na bagay na nabuhat sa pamamagitan lamang ng glue.
Pitong beses itong nabasag sa loob ng 12 taon at ang huli ay noong 2013 ng nabuhat ng glue na gawa ng German Aerospace Centre ang isang truck na may bigat na 16.09 tonelada.