TILA nalalapit na ang pagbabalik ng parusang kamatayan o bitay laban sa mga karumal-dumal na krimen na tulad ng murder, drug trafficking, panggagahasa at malawakang korapsiyon. Parami nang parami ang bilang ng mga senador na sumusuporta rito, bukod pa sa pagsang-ayon ng Malacañang, kaya halos tiyak na ang pagpapatibay rito. Ngayon man, ipinangako ni Sen. Franklin Drilon na lalabanan ng minorya ang panukalang-batas, ngunit iilan na lamang sila sa ngayon.
Ayon sa United Nations, 170 mula sa 193 bansang kaanib nito ang nag-alis na ng parusang kamatayan o ipinagpaliban ang pagpapatupad nito nang mahigit na sa 10 taon. Dalawampu’t tatlong bansa ang patuloy na nagpapataw ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo, pagbigti, pagbaril at pagtuturok ng gamot na nakamamatay. Noong 2017, 84 porsiyento ng bitay ay isinagawa sa Saudi Arabia, Iraq, Pakistan at Iran.
Sa kabila ng mga pag-aaral na nagpapatunay na ang parusang kamatayan ay hindi mabisang hadlang sa paggawa ng krimen, maraming mambabatas at karaniwang mamamayan ang sumasang-ayon sa pagbabalik ng bitay dahil sa tumataas na bilang ng karumal-dumal na krimen na karamihan ay maiuugnay sa paggamit ng ilegal na droga.
Madaling maunawaan kung bakit hahangarin ng pamilya ng isang dalagitang ginahasa na’y pinatay pa na bitayin ang kriminal. Ito’y naturalesa ng tao. Sa Lumang Tipan, ayon sa Exodo 21:23, ang batas ay ganito, “Buhay din ang kabayaran sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay…” Ibig sabihin, ang parusa ay katumbas ng ginawang krimen. Bago pa man naisulat ang batas na ito sa Bibliya, ito’y umiiral na noon pa mang sinaunang panahon sa pamamagitan ng “Code of Hammurabi” ng Mesapotamia.
Makatarungan ba ang parusang kamatayan? Maaaring sabihing makatarungan kung ito’y ipatutupad ng isang lipunang makatarungan, isang lipunang ang sistema ng hustisya ay hindi matatawaran, kung saan ang batas ay ipinatutupad nang patas, walang kinikilingan, walang mayaman o mahirap.
May ganito bang lipunan? Ganito ba ang ating lipunan? Makatitiyak ba tayo na lahat ng mapaparusahan ng kamatayan ay tunay na nagkasala? Hindi ba rito sa atin, ang hustisya ay nakakiling sa mayayaman at makapangyarihan? Ilan sa mga nakakulong ngayon sa mga bilangguan ang walang kasalanan? At ilan naman sa mga talagang may kasalanan ang nakalalaya?
Isa lamang inosente ang mabitay dahil sa masamang sistema ng hustisya ay isang napakalaking kasalanan sa taong iyon at sa pamilya ng taong iyon. Higit sa lahat, ito’y isang napakalaking kasalanan sa Diyos na Siyang tanging may karapatang bumawi sa buhay ninuman.
Sa tuwing may isang mabibiktima ng karumal-dumal na krimen, isa ako sa mabilisang humuhusga na dapat ay bitayin ang nahuling kriminal. Pero pagkatapos, naitatanong ko rin naman, paano kung hindi naman ang taong iyon ang talagang gumawa ng krimen?
Ang dapat na ipanukala sa Kongreso ay mga batas na hahadlang sa pagsasagawa ng mga karumal-dumal na krimen na katulad ng pagtuldok sa kahirapan at pagpapatibay sa sistema ng hustisya. Sa ilalim ng umiiral na sistema ng hustisya sa Pilipinas, ang pagbabalik ng bitay ay isang sintensiya ng kamatayan sa mahihirap at walang poder.
Dahil dito, ang parusang kamatayan ay dapat labanan ng sinumang may paggalang sa kasagraduhan ng buhay ng bawat tao na nilikha ayon sa wangis ng Diyos.